Part 9

Samal

Ang Samal ay isang bayan na matatagpuan sa silangang bahagi ng Bataan at nasa pagitan ng Orani at Abucay. Kabilang ito sa anim na bayan na nasasakop ng Unang Distrito ng lalawigan. Ito ang pangalawang bayan na naitatag noong Abril 20, 1641 na may kabuuang sukat na 5,630 ektarya at pangsampu sa 12 bayan kung sukat ang pag-uusapan.

Sa kasalukuyan, isang fourth-class municipality ang Samal na binubuo ng 14 na barangay. Naitala noong 2010 na umabot sa 33,578 ang bilang ng mga naninirahan dito.

Lumang Samal

Magmula noong 1641 kung kailan natatag ang Samal bilang isang bayan, ang ngayo’y kilala bilang Barangay San Juan ang itinuring na pinakasentro nito. Ang pangunahing lansangan dito na nag-uugnay sa ibang bayan ay iba na ang pangalan at kasalukuyang kilala sa tawag na “Mabini Street”. Bukod sa San Juan at Calaguiman, ang tatlo pang mga unang baryo sa Samal ay ang Santa Lucia, Ibaba at Tabing-ilog.

Apat na taon ang lumipas bago itinayo ang unang simbahan ni Santa Catalina de Siena sa Samal na pinasimulan ni Padre Juan Zubelbu, isang paring Dominikano (Italyano) na siya ring itinuturong nagtatag sa bayan ng Orani.

Ang simbahan ni Santa Catalina de Siena ay nasunog noong 1836, ayon sa aklat ni Fr. Wilfredo C. Paguio ng Pilar. Ang mga sumunod na paring natalaga sa Samal ang salit-salitang namahala sa pagpapagawa ng bagong simbahan. Si Padre Miguel Portell (1888-1896) ang iniulat na siyang nagpalagay ng bubong nito na gawa sa galbanisadong yero. Siya rin ang nagpagawa ng kumbento, municipal tribunal at isang paaralan na kadikit lamang ng simbahan. Bago magtapos ang ika-19 na siglo, ang paaralan na nagsimula sa tatlong kuwarto lamang at pinalakihan para pagkasyahin ang  970 kabataan (512 lalaki at 458 babae) na nag-aral dito. Ang sementeryo ng Samal ay ipinagawa naman ni Fr. Miguel Mendez.

Himagsikan

Nasangkot din sa digmaan ang mga taga-Samal noong huling taon ng mga Kastila sa Pilipinas. Ganito ang isinasaad sa “History of Bataan” na inilathala ng Bataan Division Office:

            “The people of Samal are peace-loving and highly desirous to be free. Several battles were fought in this town during the Hispano-Filipino War. The ‘voluntarios’ in Bataan launched a scheduled attack against the Spaniards on May 28, 1898. Balanga, the main headquarters of the Spanish force, was assaulted by General Domingo Alonzo of Puerto Rivas and his rebels. Three of the prominent leaders of the rebel groups in Samal, namely Mariano Siasat, Sr., Baldomero Gutierrez and Jose Joson also assaulted the Spanish cuartel in San Juan on May 29 in order to overthrow foreign domination.

            Colonel Baquerro, the supreme commander of the Spanish force in Bataan immediately requested for reinforcement from Pampanga. His pleading was granted three days later. A Spanish ship named Doña Dominga and laden with soldiers and Macababe mercenaries armed with powerful guns called ‘mausers’ landed in Orani from Pampanga. After defeating the rebels in Orani, the Spaniards proceeded to Samal and defeated the rebels led by Siasat, Gutierrez and Joson. But instead of running after the rebels, the Spaniards proceeded to Balanga. “Unfortunately, they were stopped and ambushed by the rebels in Mabatang, Abucay.”

May sariling tala ang mga taga-Abucay ukol sa labanang naganap sa Tulay ng Dulmig, sa Mabatang, kung saan hinarang ng mga rebeldeng Abukeño at Balangueño ang mga Kastilang patungo na sa Balanga.

             “…Two separate units of Katipuneros in Abucay heeded the call for support by the Samal rebels. One rebel unit based in Mabatang was led by Captain Valentin Mercado. Captain Rafael Malixi headed the second unit stationed in the town center also proceeded to Mabatang, along with the rebels from Balanga led by General Domingo Alonzo himself. Captain Valero and Captain Rafael Malixi, aided by the soldiers from Balanga and Orion defeated the Spaniards at Dulmig Bridge in Mabatang. Thereafter, they proceeded to Samal and helped liberate the town. Since that time, Samal was liberated from the tyranny of Spanish rule and from the cruelties and abuses of the ‘casadores and ‘guardias civil.’”

Pinag-isa

Noong 1905, panahon ng panunungkulan ni Lorenzo Zialcita bilang pangatlong gobernador ng Bataan, ang Samal ay napailalim sa hurisdiksyon ng Orani. Si Zialcita din ang naglipat sa Bataan High School sa Orani mula sa dati nitong tahanan sa Balanga. Ginawa din niyang kabisera ng Bataan ang Orani

Sa panahon ng pag-iisa ng Samal at Orani ay iisa lamang ang naging alkalde, si Timoteo Sevilla (1905-1907 at 1907-1909) ng Orani. Si Sotero Roque, ang halal na alkalde ng Samal ay ibinaba sa puwestong cabeza de barangay ng San Juan, Samal.

Si Pedro Rich, ang kauna-unahang abogado ng Samal, ang tumalo at pumalit kay Zialcita bilang gobernador ng Bataan. Agad niyang ibinalik sa Samal ang pagiging isang regular na bayan pero hindi niya nagawang ibalik sa Balanga ang Bataan High School, kasama na ang pananatili ng Orani bilang kabisera ng Bataan. Ang minsang pag-iisa ng Samal at Orani ay hindi na naulit pa magmula noon hanggang sa kasalukuyan.

Mga bagong baryo

Habang tumatagal, dumami ang mga pamayanan sa Samal, katulad ng Tabing-ilog, Wakas, Calaguiman at Lalawigan. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig at nang magawa ang diversion road sa Samal ay nadagdagan pa ang bilang ng mga barangay, kasali na dito ang East Daang Bago, West Daang Bago, San Roque, Sapa, East Calaguiman, West Calaguiman, Gugo, Palili at Imelda para sa kabuuang bilang na 14 na barangay.

Ang West Daang Bago ang tinatawag ngayong sentro ng Samal dahil naroon ang munisipyo, lying-in hospital, health center, municipal police station at ang simbahan ni Santa Catalina de Siena.

Mapalad din ang Samal dahil ito ang unang bayan na nakaranas ng industrialization. Ito ay naganap noong itayo at nagsimulang umandar sa Barangay San Juan ang Bataan Pulp and Paper Mill. Ito ay patuloy pa ring umaandar sa ilalim ng bagong pangasiwaan.

Mahalagang tandaan na ang Samal ang pinagmulan nina Gobernador Pedro Rich (1908-1909, 1918-1919), Alberto Aquino (1919-1922, 1934-1937), Engineer David M. Consunji ng DMCI, ang negosyante at nahirang na Consul na si Eddie de Guzman at ang kasalukuyang Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development na si Florita Rubiano-Villar.

 

Mga Pinunong Naglingkod sa Samal (1901-2016)

samal_mayors

*Appointed             ** shared term

 

Alamat ng Samal

Batay sa isang nalathalang babasahin ng Provincial Information Office noong taong 2000, ang pangalan ng bayan ng Samal ay hinango umano sa salitang “samel,” na walang makapagsabi kung salitang Tagalog o Kapampangan ang pinagmulan.

Ang samel ay katawagan umano sa isang uri ng dahon na ginagawang pawid at kalandong/bubungan sa mga bangka para hindi mainitan ang mga pasahero nito. Ang nasabing dahon ay kaiba umano sa “dahon ng niyog”o“dahon ng sasa” na puwede ding gawing pawid sa bahay o sa bangka man. Palibhasa’y isa lamang itong kuwentong-bayan, wala ngayon sinuman sa mga taga-Samal na kayang magsabi kung saan makakakita ng dahon ng samel at kung anong klaseng puno o halaman ito.

Simula ng Samal

May ilang Muslim historians ang nagbigay ng isang mahalagang kuwento kung bakit tinawag na “Samal” ang Samal, Bataan…

“Nakatala sa kasaysayan na mga Moro na nagmula sa Davao at Sulu (sa Mindanao), ang unang tao na nanirahan sa Samal, Bataan. Ang mga Moro na ito ay nagmula sa mga tribu na nanirahan ng mahabang panahon sa Maubac, Lambayung, Tanjung, Pata, Tapul, Lugus, Bangos, Pangasinan, Parang, Maimbung, Karugdung at Talipaw, sa Mindanao. “Ang mga taong ito ay kabilang sa tribu na kilala natin bilang ‘Badjao’ o “sea gypsies.” Kilala rin sila sa katawagang “Samal,” batay sa isang natatanging wika na ginagamit noong araw at hanggang sa kasalukuyan. Ito ay kaiba umano sa wikang Moro. “Noong ika-13 siglo ay pinaniniwalaan na nagtungo ang mga Badjao sa Panay at doon unang nanirahan. Pagkatapos ay nagtungo sila sa Maynila para lumahok sa pakikipagkalakalan (barter trade). “Hindi ninais ng mga Badjao na manatili sa Maynila noon sapagkat nagkataong mga tribung Maranaw ang mga Moro na unang nakapagtayo ng negosyo sa Maynila. Minabuti na lamang nilang tumigil sa Bataan. “Sa lugar na mas kilala ngayon bilang Abucay ay nakahalubilo nila ang dalawang pangkat na nagmula sa mga pamilya nina Datu Lubay (isang Tausog) at Datu Dumangsol (isang Maranaw), dalawa sa sampung datu na nagmula pa sa Borneo at nakarating din sa Panay at Maynila.(Si Datu Puti, ang pinuno ng sampung datu, ang itinuturong ninuno nina Raha Soliman at Raha Lakandula na nanirahan at naghari sa Maynila.) “Hindi nagtagal ay umalis din sa Abucay ang mga Badjao at nagtungo sa dakong hilaga ng nasabing bayan. Doon sila nanirahan. Hindi nagtagal ay tinawag na Samal ang nasabing lugar dahil mga tribung Samal o Badjao ang mga nakatira doon. “Bukod sa mga produktong agrikultura, nagawa ng mga Samal na paunlarin sa nasabing bayan ang kanilang natatanging produkto, ang pagpe-perlas. Ito ang kanilang ikinalakal sa Maynila. “Natatangi ang tribung Samal sapagkat sila lamang ang tribu na natutong paunlarin ang negosyo ng pagpe-perlas. Sila rin ang nagpakalat sa bayan ng Samal ng isang laman-dagat na kilala natin sa tawag na “kapis”na nagawa nilang dalhin sa Bataan magmula sa Mindanao. “Sa bawat isla o lugar na kanilang napuntahan at pinanahanan ay nagawa nilang paunlarin ang pag-aalaga ng talaba at kapis. Nagkaroon din ng kapis sa isla ng Panay kung saan sila unang nanirahan. Sa Bataan, bukod-tanging sa Samal lamang nabuhay at umunlad ang kapis.”

Sa kasalukuyan, sa Isla ng Samal, sa Mindanao (malapit lang sa Davao) naninirahan ang maraming tribung Samal. Doon ay pagpe-perlas at pagka-kapis pa rin ang kanilang ikinabubuhay.