LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan nina City Agriculturist Ms. Nerissa Mateo kasama si City Agricuturist Supervisor Technician Ronnie Lopez ang pamamahagi ng pataba, sprayer at butong mais sa siyamnapung (90) magsasaka sa Lungsod na ito nitong nakaraang Linggo sa harap ng City Hall.
Ayon kay City Agriculturist Mateo nauna nang ipinamigay ang punla kaya naman ngayon ang isinunod nilang ibinigay ay mga pataba sa ilalim ng programang Hybrid Agri ng Department of Agriculture.
Sinabi pa ni Mateo na ang mga tumanggap ng pataba ay pawang mga magsasaka mula sa Barangay Cabog-Cabog, Ibayo, at Dangcol habang tinanggap naman ng Barangay Tanato, Dangcol, Munting Batangas at Bagong Silang ang 400 kilong white corn na malagkit at 4 na sprayer.
Umabot umano sa Php 593,050 ang halaga ng mga nabanggit na ipinamigay na mga fertilizer, gamit sa bukid at buto ng mais sa mga magsasaka ngayong ikatlong quarter ng taon.
Masaya naman ang mga magsasaka na nabiyayaan sa naturang proyekto ng Department of Agricultre at lokal na pamahalaan sa pamumuno ni City Mayor Francis Garcia.