Patuloy ang pag-unlad ng Pilar

PILAR, Bataan – Isang epekto ng patuloy na pag-unlad ng Lungsod ng Balanga ay ang pag-unlad din ng bayang ito. Isa na rito ang itinayong Vista Mall complex sa Lungsod ng Balanga na pag-aari ni dating senador Manny Villar, na wala pang isang kilometro ang layo sa Barangay Ala-uli ng Pilar.

Ito ang ipinahayag ni Pilar Mayor Alice Pizarro, kahapon sa kanyang tanggapan. ”Labis akong nasisiyahan sapagka’t malapit sa aking bayan ang itinayo ni dating Senador Manuel Villar na establisimiyento”.

Sinabi pa ni Mayor Pizarro na marami sa kanyang mga kababayan ang nagtatrabaho ngayon sa Vista Mall, kung kaya’t ito ay malaking tulong para maiangat ang kabuhayan ng kanyang mga kababayan.

Ipinahayag pa ni Pizarro na isang resolusyon ang ipinasa ng kanilang Sangguniang Bayan na naglalaan ng tig 50 metro mula sa mga bakanteng lupa sa may kahabaan ng JJ Linao Road hanggang sa junction sa Barangay Ala-Uli, para pagtayuan ng mga establisimiyento.

Nilinaw naman ni Konsehal Edgar Lulu, committee chairman on Amusement, Labor and Peace and Order committee na isang bahagi sa kabukiran sa nasabing lugar ang nabili ng isang negosyante upang pagtayuan ng isang malaking establisimyento.

Idinagdag pa ni Konsehal Lulu na kapag ito ay naitayo, magsusulputan na parang kabute ang mga negosyo sa kanilang bayan.

“Isang patunay lamang ang Barangay Ala-Uli na kung pagmamasdan sa nagyon ay isa nang ganap na maunlad na barangay. Marami sa mga nagdadaan diyan na turista ang humihinto at namimilli ng makakain”, dagdag pa ni Pizarro.