Pocket parks sa Balanga, bubuksan na!

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Hindi man matapos sa buwan ng Abril makasisiguro ang mga mamamayan ng Lungsod na matatapos ang konstruksyon ng Pocket Parks sa kahabaan ng Barangay San Jose sa pagpasok ng buwan ng Mayo, taong kasalukuyan.

Ayon kay City Administrator Rudy de Mesa, kapaki-pakinabang ang proyektong ito lalo na sa ating mga kabataan dahil malilinang ang kanilang kaisipan.

Ang Pocket Parks ay lalagyan ng computer na siyang gigiya sa mga kabataang mag-aaral para malaman ang mga magagandang programa ng Lungsod at kung mayroon kang nais na malaman hinggil sa mga isyu.

Sinabi ni de Mesa na layon ng Lungsod na makilala bilang Technology I.T. Hub sa darating na panahon at sa katunayan, pinasimulan na ni City Mayor Joet Garcia ang programa ukol dito.

Ipinahayag pa ni De Mesa na sa pagbubukas ng nasabing Pocket Parks magtatalaga dito ng mga telephone operators sa loob ng limang araw na siyang magtuturo sa mga kabataan at maging sa lahat na gustong matuto para magamit ang mga teknolohiyang ilalagay dito.

“Bukas para sa lahat ng mamamayan na gustong maaliw, magpahinga, at magpalipas ng oras ang Pocket Parks na pinondohan ng P2 milyon ng pamahalaang panlungsod para sa kapakanan ng ating mga kababayan” dagdag pa ni de Mesa.