banner

Provincial Housing Board, tugon sa problema sa pabahay

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan —  Inaprubahan na  ng Sangguniang  Panlalawigan (SP) ang isang ordinansa para sa pagtatatag ng Provincial Housing Board (PHB) na tutugon sa mga problema sa pabahay at mapigilan ang pagkalat ng iskwater sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.

Ayon kay Board Member Dante Manalaysay, Chairman ng SP Committee on Housing and Land Utilization at nagsisilbing vice chairman ng PHB, nakatakdang magbalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) ang SP para sa pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 02-2014 kung saan ang PHB ang magsisilbing policy-making body ukol sa shelter and housing program ng pamahalaang panlalawigan.

Magiging pangunahing papel ng PHB ang pagbalangkas ng framework plan para sa iba’t ibang proyektong pabahay tulad ng socialized housing, community mortgage program (CMP) at iba pa at tiyakin na itoý maipapatupad sa pamamagitan ng mahigpit na monitoring sa nasabing programa.

Sinabi pa ni Manalaysay na naghahanap na rin si Bataan Gov. Albert Garcia ng 100 ektaryang lupain sa lugar ng Mariveles at Limay para sa itatayo nitong socialized housing project para matulungan ang mga empleyado at mahihirap na mamamayan sa lalawigan na magkaroon ng sariling bahay sa abot-kaya ng kanilang bulsa at mabigyan din sila ng disenteng pamumuhay.

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority (NHA) at ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa housing-related projects, makikipag-ugnayan din ang Board sa pribadong sektor para sa ipapatupad nitong urban development and housing projects.

Target din ng PHB na gumawa ng kaukulang hakbang para matukoy at epektibong masawata ang illegal activities ng mga professional squatters at squatting syndicates.

Binanggit pa ni Magsaysay na nakakatanggap sila ng ulat ukol sa pagkalat ng mga iskwater sa iba’t ibang lugar sa lalawigan na iba-iba ang katergorya kaya’t napapanahon ang pagtatatag ng PHB para bumalangkas ng isang panuntunan upang maayos na matugunan ang problema sa mga iskwater.

Nabatid pa na mayroon na ring Local Housing Board ang mga bayan ng Samal, Dinalupihan, Bagac at Balanga City at nagsisimula na ring mag-imbentaryo ang mga ito sa bilang ng mga iskwater sa kanilang lugar kung saan batay sa ulat, ang bayan ng Dinalupihan at Hermosa ang may pinakamaraming bilang ng iskwater na karamihan umano ay mula sa Pampanga na nagtatayo ng mga bahay sa tabing-ilog at maging sa ilalim ng tulay.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares