LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Ipinahayag ni City Mayor Francis Garcia sa mga apektadong commuters ng mga coastal barangays ng Brgy. Pto Rivas Itaas, Pto. Rivas Lote at Tortugas ang programang “Sakay Alalay” na magsisimula ngayon, ika-3 ng Agosto.
Ayon kay Mayor Francis, ang Sakay Alalay ay handog ni Senator Sonny Angara, Chairman, Committee on Local Govt. sa Senado sa mga sinalanta ng bagyong “Josie” sa mga coastal barangays ng Pto Rivas Itaas, Pto Rivas Lote at Tortugas na kung saan ay maglalaan dito ng mga Genesis buses para magsakay ng libre sa mga pasahero na daraanan sa ibat ibang pick up points hanggang sa plaza ng Balanga at City Public Safety Office.
Nilinaw ni Mayor Francis Garcia na magsisimula ang Sakay Alalay na kumuha ng mga pasahero sa Brgy. Tortugas ng 6:40 am; Pto Rivas Itaas ng 6:45am at Pto Rivas Lote ng 6:50am papuntang bayan hanggang City Public Safety Office na kung saan dito rin ang kanilang pick up point ng alas 5:00 ng hapon para naman ihatid pabalik ang mga pasahero sa mga nasabing barangay.
Bukod sa Sakay Alalay ay nagpamigay din si Senator Sonny Angara ng relief goods sa may 2 libong mga kababayan natin na biktima ng bagyo at baha sa tatlong barangay.
Samantala, ganon na lang ang pasasalamat nina Gov. Abet Garcia, Cong.Joet Garcia at City Mayor Francis Garcia kay Senator Sonny Angara na ayon pa sa kanila na simula pa umano sa panahon ng ama nitong si Sen. Edgardo Angara ay napakarami nang naitulong sa lalawigan ng Bataan sa pakikipagtulungan ng kanilang amang si dating Congressman Tet Garcia.
Sa mensahe ni Senator Sonny Angara ay pinuri niya ang magandang accomplishment ng mga Garcia. Dagdag pa niya maswerte umano ang mga taga Bataan sa pagkakaroon ng mga progresibong opisyal tulad nila.