Mapalad ang bayan ng Samal dahil sila ang modelo o unang gumamit ng sistema ng Philippine Primary Care Studies, hindi lamang sa Bataan kundi maging sa buong Pilipinas.
Ito ang isa sa mga binigyang diin ni Dra. Cristina Santos-Espino, Municipal Health Officer ng Samal sa kanyang ulat sa katatapos na Bataan Health Summit, na kasama ang Primary Care Study sa pamumuno nina Dr. Jose Rafael Marfori at Dr. Antonio Miguel Dans sa naging hamon sa kanilang paglalakbay para makamit ang tagumpay sa Integrated Health System.
Ayon kay Dra. Espino, ang naturang sistema ang siya ngayong gagamitin sa implementasyon ng Universal Health Care sa buong Pilipinas.
Natuwa si Mayor Aida Macalinao sa magandang resulta ng pagsisikap ng buong puwersa ng Samal Municipal Health Office sa ipinakitang sipag at
dedikasyon para matugunan ng sistematiko at makabagong pamamaraan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga Samaleño.
Matatandaang kamakailan lamang, dalawang barangay ng Samal kasama ang dalawang barangay ng Pilar ang mga kauna-unahang naging mga awardees ng 1Bataan Seal of Healthy Barangays dahil sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng kanilang mga programang pangkalusugan.
Ang bayan ng Samal ay isa rin sa mga tumanggap ng award sa katatapos na DILG Seal of Good Local Governance (SGLG).