SAMAL, Bataan – Inilunsad na sa bayang ito ang Community-based Rehabilitation Program na ayon sa Department of Interior and Local Govt (DILG) ay may mandato ang batas na ang “bahay pagbabago” ay pwede sa barangay level.
Ayon kay COP Emil dela Cruz, PNP sa bayan ng Samal, dati na ang bahay pagbabago na ngayon ay ibinaba na sa mga barangay, na dagdag pa niya, ito ay magandang stratehiya dahil ang mga surrenderees o reformists ay mismong sa bara- barangay na nila magkakaroon ng aktibidades at hindi na rin malalayo pa sa kani kanilang mga pamilya.
Sinabi pa ni COP dela Cruz na malaking kaluwagan ito sa pulisya na ang may 267 surrenderees sa kanilang bayan ay sabay sabay na mabigyan ng pagkakataong magbago sa kani kanilang mga barangay, na kung saan ay inaasahan niyang pagdating ng buwan ng Disyembre ay drug-free na ang bayan ng Samal.
Sinabi naman ng PDEA na ang bayan ng Samal ay 50% na sa pagsugpo sa ilegal na droga at kasama nila si COP dela Cruz para pagsumikapan na linisin ang buong bayan ng Samal para sa kanilang goal na by December 2018, drug cleared na ang bayan ng Samal.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Gene dela Fuente na pangunahing layunin ng kanyang administrasyon na makatulong sa mga mamamayan upang sila’y maging kapakipakinabang na bahagi ng komunidad.
Natutuwa umano siya na umuunlad ang Samal sa Kabuhayan, Kaalaman at Kultura; at sa pagkakataong ito ay binigyang diin niya na kung may mga kababayan man sila na naligaw ng landas, dapat silang tulungan dahil sa mga Samaleño ay walang maiiwan, sabay- sabay nilang haharapin ang hamon ng pag unlad.
Pangwakas ay nag iwan si Mayor Gene ng tatlong aral upang kanilang maging gabay sa pagbabago na ayon pa sa kanya, una, kung anuman ang hindi magandang nangyari sa buhay, kalimutan na ito at mag move on; pangalawa, Thank God for a brand new day at panghuli, move ahead, huwag sayangin ang ngayon at pagyamanin ang sarili dahil magliliwanag ang buong bayan kung maliwanag ang bawat tahanan.