Share-a Gift this Christmas, sinimulan na

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Masayang idinaos ng mga opisyal ng Organization of Concerned Citizens for Special Children Inc. OCCSCI  ang kanilang programang Share a Gift this Christmas para sa mga special children noong ika-11 ng Nobyembre sa Tierra Concepcion Barangay Tuyo ng lungsod na ito.

Ayon kay Gng. Amy Pruna, presidente ng samahan, ipinamahagi sa 65 special children mula sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa at Orani.ang iba’t ibang klase ng regalo mula sa mga sponsors. Nakilahok din sa naturang programa ang 45 magulang, 8 sped teachers, 3 social workers, Mr. Paul Chico at Mrs. Lara Chico ng Vetaf’s, Dr. Lyndon at Dra. Penny Rose Jimenez. Tunay na nasiyahan ang mga bata at iba pang kalahok sa mga palarong inihanda ng pamunuan ng OCCSCI.

Bibisitahin din ng nasabing samahan ang mga bayan ng Bagac at Morong ngayong araw na ito, ika-15 ng Nobyembre, upang mamahagi rin ng mga regalo gaya ng mga libro at school supplies.

Habang sa ika-9 ng Disyembre, idaraos din ang taunan at malaking Share a Gift this Christmas program na lalahukan ng mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga City, Samal, at Bagac na gaganapin sa Covered Court ng Barangay Dona Francisca ng lungsod na ito.

Ngayon pa lang pinasasalamatan na ni Gng. Pruna ang mga sponsors na walang sawang nagbibigay ng kanilang tulong at suporta sa naturang samahan.