banner

Suporta upang makamit ang Vision ng Orani

Written by
  • Zeny S.
  • 5 years ago

ORANI, Bataan – Tatlong mahahalagang panukala ang seryosong isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Orani, ayon kay Vice Mayor Bong Galicia para makamit ang vision na mapabilang sa limang (5) tampok na Eco-Tourism destination sa buong Central Luzon.

Sinabi rin ni Vice Mayor Bong Galicia na katatapos lamang nilang maipasa ang “Responsible Pet Ownership ordinance” na kung saan ang mga nagmamay-ari ng mga alagang hayop tulad ng aso, pusa o anupaman ay magkaroon ng obligasyon na alagaan at sinupin ito sa kanilang mga bahay at bakuran dahil ang sinumang lumabag dito ay may kaakibat na parusa.

Ayon naman kay Mayor Bondjong Pascual, hindi na nila mabilang ang dami ng naglisaw na aso at pusa sa daan subalit nabibilang nila ang nakakagat ng aso na umaabot na sa 1,700 mula pa noong nakaraang taon.

Ang ikalawang prayoridad na Panukala ay ang Anti-Smoking na muli nilang inilunsad para sa kalusugan ng mamamayan. Ipinagbabawal sa nasabing panukala ang maninigarilyo at pagtitinda ng sigarilyo sa buong Orani at ang sinumang maninigarilyo o magtitinda, ito ay kinakailangang may isang daan (100) metro ang layo mula sa mga pampublikong imprastraktura tulad ng munisipyo, plaza, paaralan, atbp.

Ikatlong panukala ay ang tungkol sa kalinisan ng bayan ng Orani, na ayon pa kay Vice Mayor Galicia, walang turista o sinumang tao ang matutuwa kapag hindi malinis ang kapaligiran.

Matindi ang pakiusap ni Mayor Bondjong Pascual sa kanyang mga kababayan na makipagtulungan sa waste segregation. Ayon pa sa kanya, ang solusyon sa basura, kinakailangan umanong sa bawat bahay pa lang ay ihiwalay na ang nabubulok sa hindi nabubulok, dahil kapag hindi napaghiwalay ang mga ito, hindi umano ito kokolektahin ng kanilang garbage collector.

Binigyang diin ni Mayor Pascual na pasimula pa lamang ito na nais nilang maging malinaw ang kanilang patutunguhan sa darating na taong 2020.

Article Tags:
·
Article Categories:
Municipalities · News

Comments are closed.

Shares