PILAR, Bataan – Malinis at tahimik na pamayanan, na may maluwag at malapad na kalsada ito umano ang ilan sa mga dahilan, ayon kay Punong Barangay ng Ala-Uli Rodrigo Lulu, kung bakit patuloy ang pagpasok ng mga mamumuhunan sa kanyang barangay.
Ayon pa kay Kapitan Lulu bukod pa sa nabanggit niya, bago pumunta sa mga beach resorts sa mga bayan ng Bagac at Morong ang mga turista at maging ang ating mga kababayan ay namimili muna ng kanilang babauning pagkain patungo sa kanilang destinasyon.
Ilan sa mga proyektong malaki ang naitulong o naging daan para sa kaunlaran ng barangay, na sinuportahan naman nina Mayor Alice Pizaro at Gob. Abet Garcia ay ang mga sumusunod: ang pagpapaayos ng 4 lanes sa kahabaan ng JJ Linao Avenue patungong Bagac at Morong; ang concreting ng farm to market road mula LTO hanggang Sityo Kamalig tagos sa Sityo Aningay; concreting ng river control mula Sityo Aquino hanggang Villa Esperanza; riprapping sa likod ng kanilang simbahan; at concreting ng daan sa Tagles Ville.
Bukod dito, ipinasara din ng barangay ang E-Game na nagdudulot lamang ng away. Kapalit nito ay pinaganda nila ang kanilang plaza, nilagyan ng bakod, pinapinturahan, para lalong maengganyo ang mga kabataan na maglaro gaya ng basketball, volleyball at iba pang isports.