Patuloy na pinalalakas ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) ang paggamit ng renewable energy sa pamamagitan ng pakikipagtambalan sa Tai Yang 1 Power Inc. para sa pagpapaunlad ng 25-megawatt solar power facility sa loob ng Freeport Area of Bataan. Itatayo ang proyekto sa 27-ektaryang lupain at inaasahang magiging isa sa pinakamalalaking renewable energy development sa FAB.
Ayon kay AFAB Administrator at CEO Hussein Pangandaman, ang proyekto ay tugma sa layunin ng ahensya na palawakin ang pinagkukunan ng enerhiya at itaguyod ang paggamit ng malinis at ligtas na power source habang dumarami ang mga industriyang pumapasok sa Freeport.
Nakapag-secure na ng business license mula sa AFAB ang Tai Yang 1 Power Inc., sa pangunguna ng kanilang Pangulo na si Vic O. Lacaya III, at kasalukuyang tinatapos ang aplikasyon bilang rehistradong enterprise upang masimulan ang paghahanda para sa konstruksyon.
Kabilang din ang proyekto sa Green Energy Auction Program (GEA-4) ng Department of Energy, kung saan tinanggap ang 16.5-megawatt capacity offer ng kumpanya para sa suplay ng kuryente sa national grid. Aktibo na ring katuwang ng AFAB ang Tai Yang 1 Power Inc. sa mga naunang sustainability projects, kabilang ang solar roofing initiative sa ilalim ng Citicore Solar Bataan, Inc.