Tara na, sa Dizon Farn and Resort

PILAR, Bataan – Isang malaparaisong farm and resort, ito ang tamang puntahan ng ating mga kababayang hangad na magpalamig lalo pa at matindi pa rin ang init na nararanasan natin sa ngayon.

Ang BF Dizon Farm and Resort na pag-aari ng isang 72 taong gulang na si Mang Bert Dizon ay matatagpuan sa isang ektaryang lupain sa Sityo Aquino Barangay Ala-Uli ng bayang ito.

Ayon kay Mang Bert matapos niyang magtrabaho sa Libya naisipan ng kanyang pamilya na magtayo ng isang resort  sa nasabing lugar na hindi mahirap puntahan ng kanyang mga kababayan.

Ang BF Farm and Resort ay may dalawang pambatang swimming pool at isa para sa matanda na hindi naman kalakihan pero laging malamig ang tubig dahil napapalibutan ito ng mga punong kahoy.

Mayroon din itong palaisdaan kung saan maaaring manghuli o mamingwit ng tilapia at iihaw na pwede na ring gawing pananghalian sa abot kayang halaga.

Ang resort ay may limang cottages, isang mess hall na maaaring rentahan para sa iba’t-ibang ng okasyon tulad ng binyag, birthday, kasal at iba pa.