Ayon sa isang residente, naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng nuclear plant para matugunan ang nakaambang krisis sa enerhiya subalit kung hindi naman masisiguro ng pamahalaan na ligtas ang operasyon ng BNPP ay hindi sila sasang-ayon na muli itong buhayin o i-rehabilitate.
“Number one consideration is safety!. Dapat i-emphasize ýung new technology na dapat nilang i-adopt sa lugar. The way I see it parang gusto nilang ibalik ýung dating technology,” ani Engr. Godofredo De Guzman, environment and natural resources officer (ENRO) na isa sa dumalo sa naturang public forum.
Binigyan-diin ni De Guzman na dapat ay may bagong teknolohiya na tulad sa mga western countries na kung pag-aaralan ng pamahalaan ay pwedeng i-adopt o gamitin para sa pagsasaayos ng BNPP. Idinagdag pa nito na batay sa kanyang obserbasyon ay pwede namang i-reactivate ang BNPP basta matiyak lamang na ligtas ito na siyang pangunahing isyu na dapat tugunan.
Una nang sinabi ni Bataan Gov. Albert Garcia na kailangan munang mabura ang agam-agam at pangamba ng mamamayan ukol sa seguridad ng pag-ooperate ng BNPP lalo pa’t napapalibutan ito ng samu’t saring kontrobersiya.
Sinabi naman ni DOE Undersecretary Donato Marcos na pangunahing layunin ng kanilang public forum para sa mga residente ng Brgy. Nagbalayong ay ang makuha ang kanilang pulso para sa rehabilitasyon ng BNPP upang mabigyan ng tamang solusyon ang problema sa krisis sa kuryente.
“Buksan po sana natin ang ating isip para sa ating malayang talakayan upang matignan ang lahat ng isyu at anggulo sa BNPP,” ani Marcos sa mga lumahok sa naturang pagtitipon na ginanap sa Multi-Purpose Hall ng Brgy. Nagbalayong.
Binanggit naman ni 1st Dist. Rep. Herminia Roman na dumalo sa nasabing pagtitipon na noong unang termino niya ay naghain siya ng isang resolusyon sa Kongreso para sa pagkakaroon ng feasibility study sa BNPP at isa pang resolusyon ang kanya ring inihain na humihiling naman sa DOE at sa Department of Tourism (DOT) na pag-aralan din kung pwedeng gawing tourism spot ang lugar.