Ayon kay Gng. Vicky S. Garcia, Chairperson ng Bataan Peninsula Tourism Council Foundation Inc. (BPTCFI), isa lamang ang cultural mapping sa kasalukuyang programa ng PTO na nakatakdang ilunsad ngayong buwan kung saan sa tulong ng mga guro ay bibisitahin nito ang bawat barangay para humanap ng mga makabuluhang tao, tradisyon, mga pagkain at mangalap ng mga istorya na magbibigay kulay sa mga tourism sites.
“Isipin natin, na ang mga di natin pinapansin na mga tanawin ay ang sadyang hinahanap ng mga turista,” ani Ginang Garcia, sa kanyang naging mensahe sa panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal at miyembro ng BPTCFI executive committee, municipal/city tourism council officers kasabay ang pagpapakilala sa mga kandidata ng Miss Bataan 2014 kamakailan.
Anya, kung sa iba ay pangkaraniwan na ang bundok, bukirin, ilog, dagat, talon o waterfalls, ngunit para sa mga nakararami na ang nakikita lang ay mga gusali na gawang semento, ang ganitong tanawin ay napakaganda. “Our province has picture perfect sunrises and sunsets from awesome vantage points. Let’s take advantage and promote our sceneries,” dagdag pa Ginang Garcia.
Binanggit din niya na upang mapalakas ang turismo sa lalawigan, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng BPTCFI at ng PTO sa mga local government units (LGU’s) ukol sa kanilang mga infrastructure projects para maging “accessible, convenient and appreciated” ang mga tourism sites sa Bataan. Isang patunay na rito ang patuloy na paglalagak ng malaking puhunan ng mga negosyanteng tulad nina Ginoong Gerry Acuzar ng Las Casas Filipinas sa bayan ng Bagac; Ginoong Goody Ilagan ng Camaya Coast sa Mariveles at ang Ayala Land ng Anvaya Cove sa Morong. Nariyan pa ang Zipline at Treetop adventure sa bayan ng Pilar na ilan lamang sa mga bakasyunan na pwedeng ipang-tapat sa pinakamagagandang lugar sa buong bansa.
Binigyan-diin pa ni Ginang Garcia na higit pa sa mga alaala ng ikalawang digmaan at sa mga lugar na tanyag na sa ngayon ang turismo sa Bataan dahil patuloy ang kanilang pag-iisip ng mga programa katuwang ang pamahalaang panlalawigan para sa darating na panahon ay maging isang matibay na haligi ng progreso ng probinsya ang turismo sa Bataan.