LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Di pa man nagpapasukan sa mga paaralan ay inilunsad na ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang Ulirang Guro 2018.
Ayon sa KWF, ang Ulirang Guro sa Filipino ay taunang gawad na ibinibigay ng KWF sa mga pili at karapat-dapat na guro na ginagamit ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
Hinahangad ng KWF na makilala at maparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino at dedikasyon sa pagpapalaganap ng wikang Filipino, mga wika at kultura sa larangan ng pagtuturo sa kanilang komunidad sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino.
Kinikilala din ng Gawad na ito ang pangunahing gawain ng guro tulad ng akademyang ugnayan, saliksik at pagpapalaganap ng wika upang mahikayat ang bagong henerasyon ng kabataan na kasangkapanin ang Filipino at iba pang wikang katutubo.
Ang mga tuntunin sa pagpili ng Ulirang Guro 2018 ay ang mga sumusunod: kinakailangang may hawak nang lisensya sa pagtuturo (LET) sa antas sekundarya at elemtarya, may full time status, nakapaglingkod na ng 3 o higit pang taon bilang guro sa Filipino, may antas sa kahusayan na hindi bababa sa very satisfactory at nakapag-ambag sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino, gayundin nakatanggap ng parangal at iba pang gawad kaugnay sa kanyang propesyon.
Ang paaralan ay maaaring magsumite sa KWF ng higit sa isang nominasyon nahindi lalampas sa darating na Hulyo ng taong ito.