Napasama ang 12 barangay sa Bataan sa mga national passers sa isinagawang 2021 Pilot Testing ng Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLFB) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito ay ang mga Barangay ng Palihan sa Hermosa; Colo, Dinalupihan; Talimundoc, Orani; Laon, Abucay; Parang, Bagac; Lote Pto. Rivas, Balanga City; Alangan, Limay; San Carlos, Mariveles; Nagbalayong, Morong; Camachile, Orion; Panilao, Pilar at East Daan Bago, Samal.
“Mainit na pagbati at pagpupugay sa 12 natatanging barangay ng ating lalawigan sa ipinamalas nilang kahusayan sa iba’t-ibang aspeto ng pamamahala sa pamamagitan ng 2021 Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB) ng DILG,” pahayag ng DILG Bataan sa kanilang Facebook Page.
Ayon sa DILG Bataan, may kabuuang 549 na barangay sa buong Pilipinas ang idineklarang National Passers ng SGLGB National Quality Committee.
Mula sa nasabing bilang, 12 barangay ang mula sa Bataan. Sa resulta ding ito, dagdag pa ng DILG, ang Bataan ang may pinakamaraming bilang ng pumasa sa Gitnang Luzon.
Upang magawaran ng SGLGB, kailangan maipasa ng barangay ang tatlong core areas na Peace and Order, Financial Administration, at Disaster Preparedness. Kailangang maipasa rin nito ang kahit isa lamang sa tatlong essential areas na kinabibilangan naman ng Social Protection, Business Friendliness and Competitiveness, at Environmental Management.