Ito ang naging tema ng katatapos at napakasayang Christmas lighting ceremony sa bayan ng Pilar. Iisa ang naging lundo ng mensahe nina Mayor Charlie Pizarro at Vice Mayor Ces Garcia na ang pagpapailaw ng kanilang mga dekorasyon sa Pasko ay sadyang dinisenyo para sa mga bata dahil ang diwa ng Kapaskuhan ay pagtutulungan, pagbibigayan at pagmamahalan, kaya 1 love 1Pilarian.
Ito rin ang sinabi ni Gov. Joet Garcia na siyang panauhin ng gabing iyon, na angkop umano ang tema na 1love 1Pilarian dahil Christmas is about love, about giving, kung kaya’t ibinalita na rin niya na ang Pamahalaang Panlalawigan ay mayroong Pamaskong handog na ipadadala sa bawat tahanan.
Samantala, sinabi din ni Mayor Charlie Pizarro na ang pagpapailaw sa kanilang mga dekorasyon ay simula para ipadama sa ating mga mahal sa buhay na kahit dumaan pa ang ilang taong pandemya, sa bayan ng Pilar ay nagtutulungan, nagsasama-sama at ipinakikita nila ang pagmamahalan ng bawat pamilya na siyang nagiging daan sa patuloy nitong pag asenso.
Bago matapos ang programa ay ipinakita ang Christmas ID ng bayan ng Pilar na 1love 1Pilarian at natapos ang programa sa makulay na fireworks display na talagang inabangan ng mga taga Pilar.