Umabot sa kabuuang 448 manggagawa sa Gitnang Luzon ang tumanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Labor and Employment o DOLE nitong nagdaang Mayo Uno o Araw ng Paggawa.
Ayon kay DOLE Regional Director Geraldine Panlilio, naglaan ang ahensya ng kabuuang 3.1 milyong piso para dito.
Sa Bataan, nasa 60 miyembro ng Samahan ng Magsasaka Sa Cabog-Cabog sa Lungsod ng Balanga ang nakinabang sa isang milyong pisong halaga ng rice-duck integration farming enterprise.
Samantala, 152 kasapi ng Bilolo Upland Farmers Association Inc. sa bayan ng Orion sa Bataan ang benepisyaryo ng 500 libong pisong rice wholesale at retailing business.
Nasa 500 libong piso rin ang inilaan ng DOLE sa bayan ng Marilao sa Bulacan para sa iba’t ibang kabuhayan ng may 100 mamamayan.
Kabilang dito ang sari-sari store, frozen goods retailing, dishwashing production, peanut butter making, kakanin vending, rice retailing, carinderia, ambulant vending at e-loading.
Sa Tarlac, 20 miyembro ng Masalasa STBF Women’s Association ang nakinabang sa mushroom chicharon and bread production na nagkakahalaga ng 100 libong piso.
At panghuli, 116 residente ng Capas sa Tarlac na binubuo ng 32 miyembro ng Patling Sta. Lucia Transport Service Cooperative, 29 miyembro ng Capas Tarlac Jeepney Transport Service, 35 miyembro ng Capas Organic Farmers Producers Cooperative at 20 miyembro ng Sewing Arts of Capas Association na inilaanan ng tulong panghabuhayan na may kabuuang halaga na isang milyong piso.
Kabilang sa kanilang mga napili ang gasoline station and auto supply para sa dalawang asosasyon ng mga drayber at operator, organic farming at sewing shop.