Lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang Department of Education Regional Office III at tanggapan ni Bataan First District Representative Antonino Roman III para sa scholarship program ng mga non-teaching personnel ng DepEd sa Bataan. Isinagawa ang MOA signing at partnership launch noong Mayo 7 sa Bataan Peninsula State University bilang bahagi ng programang susuporta sa pagkuha ng Master’s degree ng 50 benepisyaryo.
Ayon sa BPSU, sasagutin ng programa ang gastusin ng mga benepisyaryo mula enrollment hanggang thesis completion sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.
Pinangunahan nina Chief Administrative Officer Antonio G. Arquero at Schools Division Superintendent Carolina S. Violeta ng DepEd RO III ang delegasyon sa paglagda kasama si BPSU President Dr. Ruby S. Matibag. Ang proyekto ay inihain bilang pilot initiative para sa propesyonal na pag-unlad ng mga non-teaching staff ng DepEd SDO Bataan na residente ng Unang Distrito ng Bataan.
Sa seremonya, sinabi ni SDS Violeta na mahalaga ang partnership upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mahigit 2,000 non-teaching personnel sa dibisyon. Hinikayat naman ni Dr. Matibag ang mga iskolar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral bilang kapalit sa suportang ipinagkaloob sa kanila. Nagpahayag din ng suporta si Dr. Arquero sa ngalan ni Regional Director Tolentino G. Aquino at kinilala ang mahalagang papel ng non-teaching personnel sa operasyon ng DepEd.
Samantala, binigyang-diin ni Cong. Roman ang kahalagahan ng patuloy na edukasyon at pagsasanay sa serbisyo publiko. Bilang kauna-unahang lider sa rehiyon na nagsulong ng scholarship program para sa non-teaching sector, hinimok niya ang mga iskolar na maging “solution givers” sa lipunan sa oras na makapagtapos sila.
Nakatakda naman ang contract signing ng mga benepisyaryo sa Mayo 21 bilang pormal na pagsisimula ng kanilang subsidized graduate studies sa BPSU.