Bataan capitol grounds nagliwanag sa mga candy canes, parol, atbp

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nagliwanag ang palibot ng Bataan capitol grounds sa lungsod na ito sa magagandang palamuting pamasko matapos sindihan ang maraming LED lights.

Sa kadiliman ng gabi, lumitaw ang kaakit-akit na liwanag mula sa mga parol at mga palamuting hugis candy canes. Sa sentro ng capitol compound, nakatayo ang malaking belen na ang background ay tila mga silahis ng araw sa pagbubukang-liwayway na sa malapitan ay gawa pala sa mga siit o maliliit na sanga ng punong-kahoy.

Ang pamaskong dekorasyon na ito ay nagsisilbing pagbating pamasko nina Gng. Vicky Garcia, chairperson ng Bataan Tourism Council Foundation; Rep. Tet Garcia ng Second district, Gov. Albert Garcia, Vice Gov. Bondjong Pascual at buong Sangguniang Panlalawigan pati na ang mga kawani ng Bataan capitol.

Napag-alaman na personal na tinutukan ni Gng. Garcia ang proyektong ito na nagsilbing pasyalan ng maraming mag-anak.