MARIVELES, Bataan – Tumanggap ng cash na nagkakahalaga ng Php 1,500.00 bawat isa ang may 686 na senior citizens mula sa 18 barangay ng bayang ito bilang social pension nila mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinamahalaan ni MSWDO Eda Tanuecoz ng Mariveles at ng kanyang staff na si Bb. Shiela Alejandro na in-charge sa social pension ang pamamahagi sa pay-out ng mga senior citizens, na maayos at matiyaga namang naghihintay na tawagin ang kanilang mga pangalan.
Ayon naman kay Gng. Ofelia Esquivel, Pangulo ng Federation of Senior Citizens ng Mariveles na talagang minomonitor nila ang lahat ng senior citizens ng bawat barangay na dapat ay mga indigents lamang ang tatanggap nito.
Samantala sinabi ni Mayor Ace Jello Concepcion na ang tinatanggap nila ay talagang napakaliit pero nagpapasalamat na rin sila kahit papaano kung kaya’t sa kaniyang pamumuno ay ang tinututukan naman nila ang kalusugan ng mga nakatatanda, na nais niya na kada buwan ay nagpapa check up sila sa kani- kanilang barangay health center para agad agad ay mabigyang lunas kung sila man ay may sakit.
Idinagdag pa ni Gng. Esquivel na talagang napakaganda ng trato ni Mayor Concepcion sa kanilang mga matatanda, na kung magka minsan ay dinadalaw pa umano sila nito sa kanilang opisina para lamang malaman kung ano pa ang kanilang mga pangangailangan.
Matatandaang ang Pamahalaang Bayan ng Mariveles ang nagpatayo ng kanilang Senior Citizens building kung saan doon sila nagdaraos ng kanilang pagpupulong at iba pang gawain at programa.