MARIVELES, Bataan – Maraming mamamayan ang tahasang nagpapahayag ng kanilang katuwaan sa napakarami at magandang serbisyo na ibinibigay ng Mariveles Health Center na hindi na nila umano kailangang magpunta pa ng BGH sa Balanga City.
Ayon kay Dr. Gerald Sebastian, ito lang ang Municipal Health Center na may resident doctor, mga midwives, nurses, may libreng X-ray, speech and physical therapy at massage para sa mga senior citizens.
Ayon naman kay Municipal Assistant to the Mayor, Jaypee Jalos, prayoridad umano ni Mayor AJ Concepcion ang kalusugan ng mga mamamayan ng Mariveles dahil ang pagiging malusog umano ng mga mamamayan ay may malaking bahagi sa progreso ng bayan. Ayon pa kay Jalos, kahit mga barangay health centers sa Mariveles ay may mga libreng gamot para sa mga mamamayan.
Ayon sa isang magulang na aming nakapanayam, ang kambal nyang anak ay dinadala niya doon tatlong beses isang linggo, para sa speech therapy at physical therapy dahil yong kambal nya umano ay may autism at ADHD, na kung sa isang pribadong ospital o klinika niya dadalhin ay malaking gastos, kung kaya’t laking pasalamat nya umano na dito pa lang ay natutugunan na ang kanilang pangangailangan at libre pa.