Nagsimula na ang masiglang calendar of activities para sa 81st Landing Anniversary celebration sa bayan ng Mariveles na tatagal mula ika-13 hanggang ika-27 ng Pebrero.
Pinangunahan nina Mayor AJ Concepcion, Vice Mayor Jesse Concepcion at iba pang mga opisyal ng bayan ng Mariveles ang pagbubukas ng 26th Mariveles Inter-High School Sportsfest na sinundan kinabukasan ng Thanksgiving night na itinaon nila sa Araw ng mga Puso na ayon kay Mayor AJ Concepcion ay bilang pasasalamat at pagbibigay-papuri sa mga lider ng simbahan at mga religious groups sa kanilang mga panalangin at pakikiisa sa patuloy na biyayang tinatanggap ng bayan ng Mariveles.
Ngunit ang pinaka-sentro ng kanilang pagdiriwang ay ang paggunita sa makasaysayang pagdaong ng American Forces noong ika-15 ng Pebrero, 1945 sa dalampasigan ng Mariveles, isang mahalagang hakbang tungo sa paglaya ng Bataan at buong Pilipinas sa pananakop ng Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Nagkaroon ng maikling programa sa Zero Kilometer Park para sa unveiling ng Rehabilitation ng Zero KIlometer marker na ayon kay Mayor Aj Concepcion ay unti-unti nilang pinagaganda ang mga historical sites sa bayan ng Mariveles para lalong mabuhay at tumatak sa puso’t isipan hindi lamang ng mga kasalukuyang naninirahan sa kanilang bayan kundi pati ang mga susunod na henerasyon. Isa umano sa layunin nito ay para mapanatili ang historical significance ng bayan ng Mariveles sa puso’t isipan ng bawat pamilyang Mariveleño.
Nagkaroon din ng parada ng iba’t ibang sektor sa bayan ng Mariveles na nakiisa para ipaalala sa mga manonood ang kagitingan ng ating mga ninuno na naging daan upang makamit ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.