Squatting, susugpuin sa tulong ng mga opisyal ng barangay

   LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Hinimok ng Committee Chairman on Housing and Land Utilization (HLU) ang lahat ng mga opisyal ng barangay na sila na ang sumita sa mga taong iligal na nagtatayo ng kanilang tahanan sa mga pampublikong lugar o sa mga lupang pag-aari ng pamahalaan sa buong lalawigan ng Bataan.

   Sinabi ni Sangguniang Panlalawigan SP Member Dante Manalaysay, chairman ng HLU at Vice Chairman ng Provincial Housing Board (PHB) kahapon na nahihirapan ang pamahalaan na mapaalis ang mga taong nakatira sa mga lupang pag-aari ng pamahalaan. “Walang katapusan ang problema sa mga illegal settlers; ang mahirap kapag pinaalis mo, sila pa ang galit at nagpapabayad sa gobyerno, kung laging ganyan ang sitwasyon kahit na mayaman ang pamahalaan mauubos ang kabang yaman” dagdag pa ni Manalaysay.

   Nakatanggap umano ng impormasyon ang Sangguniang Panlalawigan na kahit na tabi ng National Road, gaya ng daang Maluwang patungong Barangay Dangcol sa Lungsod na ito, ay tinatayuan na ng mga squatters.

   Kaya naman ipatutupad na ng Sangguniang Panlalawigan ang Provincial Ordinance No. 02-2014 kung saan ang Provincial Housing Board PHB ang mamumuno sa housing program ng pamahalaang panlalawigan.

   “Kaya naman pakiusap ko sa lahat ng mga Punong Barangay at Kagawad na makipagtulungan sa probinsiya at kanilang munisipalidad para matugunan  ang problema ng squatting sa lalawigan” dugtong pa ng Board Member.

   Pinakiusapan din ni Manalaysay ang lokal na opisyal ng Hermosa, Orani, Abucay, PIlar, Orion, Limay, Mariveles at Morong na magtatag na ng kanilang Local Housing Board LHB para mabalangkas nang maaayos ang programang ito.