Magsisimula sa Abril 16, 2026 ang ikalawang tranche ng Wage Order No. RBIII-26 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board III (RTWPB 3), na magdadagdag ng ₱30 hanggang ₱40 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Central Luzon.
Ayon sa wage order, kabuuang ₱50 hanggang ₱80 ang umento na ipinatutupad sa dalawang bahagi. Naipatupad na ang unang tranche na may ₱20 hanggang ₱40 dagdag-sahod noong Oktubre 30, 2025, habang ang nalalabing dagdag na ₱30 hanggang ₱40 ay ipatutupad ngayong Abril 16, 2026.
Sa ilalim ng bagong rate, tataas sa ₱600 mula ₱570 ang sahod sa non-agriculture sector sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales; ₱570 mula ₱540 sa agriculture; at ₱590 mula ₱560 sa retail at service sector. Sa Aurora naman, magiging ₱560 mula ₱530 ang non-agriculture, ₱545 mula ₱515 ang agriculture, at ₱515 mula ₱475 ang retail at service sector matapos ang ipatutupad na dagdag-sahod.