Pinalakas ng pamahalaang bayan ng Hermosa ang kampanya nito sa preventive healthcare matapos magsagawa ang Municipal Health Office ng isang “3-in-1” health activity bilang bahagi ng pagdiriwang ng Cervical Cancer Awareness Month at Hypertension Awareness Month.
Kabilang sa isinagawang aktibidad ang mga health symposium hinggil sa cervical cancer at hypertension upang palawakin ang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng disease prevention, regular screening, early detection, at agarang pagpapagamot para maiwasan ang komplikasyon sa kalusugan.
Nagbigay rin ang Mobile Primary Care Facility ng Provincial Health Office ng libreng serbisyong medikal tulad ng blood chemistry at urinalysis sa 30 benepisyaryong kabilang sa high-risk population ng bayan.
Ayon kay Mayor Anne Lorraine Adorable-Inton, mananatiling prayoridad ng kanilang administrasyon ang kalusugan ng mga residente sa pamamagitan ng mas accessible at preventive healthcare programs, katuwang ang iba’t ibang ahensya sa paghahatid ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa komunidad.