Ibinahagi ni Mary Grace D. Bagtas – Teacher III, Pablo Roman National High School
Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na kabilang sa tinatawag na Third World Countries, mas malalim pa sa mga nakabaong kayamanan, sa mga ugat ng mga puno at sa pusod ng dagat ang ating pagpapahalaga sa edukasyon. Kung atin nga itong ilarawan, ito ay tulad ng isang ginto, na magandang buhay ang ipinapangako. Subalit tulad din ng ginto, hindi madaling proseso ang pinagdadaanan upang ang kinang ng edukasyon ay tuluyang makamtan. Hindi birong pawis at pagpapagal nang maraming taon ang kailangan upang mamina ang tunay nitong halaga.
Subalit, tulad ng winika ni Aristotle, “The roots of education are bitter…”, nakalulungkot isipin na napakaraming suliranin ang kinakaharap ng ating bansa sa sektor ng edukasyon. Ang pariralang “roots of education” o “ugat ng edukasyon” sa wikang Filipino ay maaaring tumukoy sa dalawang bagay: ang kasaysayan ng edukasyon o ang mga plano at paraan ng pag-iimplementa ng programang pang-edukasyon.
Nakasaad sa mga kasulatan tungkol sa kasaysayan ng edukasyon sa Pilipinas ang makailang beses na pagbabagong bihis ng kurikulum ng edukasyon sa ating bansa mula sa tinatawag na 2-2 Plan, sinundan ng 1973 Revised Secondary Education Program (RSEP), pagkatapos ay ang 1989 Secondary Education Development Program (SEDP) na sinundan ng New Secondary Curriculum (NSEC) hanggang sa naging Basic Education Curriculum (BEC), Revised Basic Education Curriculum (RBEC), Secondary Education Curriculum 2010 o Understanding by Design (UbD), at K to 12 Basic Education Curriculum sa kasalukuyan.
Ibig sabihin lamang na mula noon hanggang ngayon, ang tamang timpla ng edukasyon upang maitaas ang kalidad nito sa ating bansa ay patuloy pa ring hinahanap. Isa rin sa mga dahilan ng transpormasyong ito ay ang pagsabay natin sa pag-arangkada ng globalisasyon. Subalit magbagong bihis man ang kurikulum ng edukasyon upang makasabay sa mga pangangailangan sa kasalukuyan at sa nakikinitang pangangailangan sa hinaharap, napakaraming suliranin pa rin ang napag-iwanan at hindi nabigyan ng solusyon sa mga nagdaang dekada kaya hanggang sa ngayon ay iyun at iyon pa rin ang madalas nating marinig na problema gaya na lamang ng kakulangan sa mga silid-aralan.
Sa kahit na anumang larangan, ang isang matibay na plano ay kailangan. Subalit hindi lamang dapat sa plano magtatapos ang lahat. Ang plano ay dapat maisakatuparan nang maayos ngunit ang proseso nito ay siguradong hindi madali. Dapat ang lahat ng aspeto ay masuri at matugunan. Dahil kung ang kurikulum ay nabago nga, subalit ang mga pasilidad naman na kailangan sa pag-iimplementa ng bagong kurikulum ay mananatiling plano, ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa ang lubos pa ring maaapektuhan.
Gayunpaman, sa likod ng mga suliraning kinakaharap ng ating bansa kaugnay ng kalidad ng ating edukasyon ay ang milyun-milyong Pilipino na patuloy pa ring umaasa na ang mga ito, kahit pa hindi natugunan sa maraming taong lumipas, ay mabigyan na ng solusyon sa darating na panahon. Dahil para sa mga Pilipinong may hindi marangyang buhay, tanging edukasyon lamang ang kanilang maipamamana sa kanilang mga anak at sa mga susunod pang henerasyon.