Balanga City Agriculture Office, tumanggap ng mga parangal

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Maraming magsasaka ang nasiyahan sa mga natanggap na parangal ng City Agriculture Office sa katatapos na 4th Regional Organic Agriculture Congress na ginanap sa Baler, Aurora noong ika-22 ng buwang kasalukuyan.

Nakamit ng KAANIB Cataning ang ikatlong pwesto (3rd Place) sa Kumikitang Organikong Farm Contest sa Central Luzon; OPF BALANGA- Best Organic Trading Post sa katergoryang City Organic Farm at 1st Place sa Best Organic Agriculture Demonstration Site. Kabilang sina Ronnie Lopez, Supervising Technician at Alona Polintan, head ng KAANIB program sa mga tumanggap ng parangal.

Ayon naman kay Aurelio Ladia isang magsasaka sa Sitio Maluang Cupang Proper, mas mabibigyan ng tulong ng mga opisyal ng Lungsod ang mga magsasaka na nagtatanim ng mga gulay kapalit ng palay. Kung kaya’t mas pinili niyang magtanim muna ng gulay ngayon dahil sa nakikita niyang magandang ani ng gulay kaysa sa palay.

Sa kasalukuyan ang kanyang taniman ng kamatis, ampalaya at kabute ay masusing binabantayan nina Ronnie Lopez, at Alona Polintan, upang masiguro na magiging marami at maganda ang ani sa mga ito.

Ipinahayag naman ni Nerissa Mateo, City Agriculturist, na mas lalo pa nilang palalakasin at paiigtingin ang kampanya sa lahat ng magsasaka na ugaling magtanim ng gulay at gamitan ang mga ito ng organic fertilizer.

Pahayag naman ni Polintan, lalo pa nilang babantayan ang programa ni City Mayor Francis Garcia sa pagpapaunlad ng sakahan sa Lungsod.

Photo courtesy of COB Agriculture FB page.