banner

Color coding ng bangka, ipatutupad

Written by
  • Zeny S.
  • 5 years ago

LIMAY, Bataan – Isang ordinansa ang ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Limay sa pangunguna ni Vice Mayor Robert “Obet” Roque, na may kaugnayan sa lahat ng mga bangkang ginagamit ng kanilang mga kababayang mangingisda.  Ang nasabing ordinansa na magiging epektibona sa mga susunod na araw ay ang “color coding” ng mga bangka.

 Ayon kay Vice Mayor Roque, alinsunod sa ordinansa, kulay “asul” (blue) ang napagkasunduang kulay na gagamitin para sa lahat ng may 1,300 rehistradong bangka para madaling matukoy kung ang bangka ay mula sa bayan ng Limay. Bukod sa pinturang kulay asul, magkakaroon din ito ng “coded stripe” para naman matukoy ang pinagmulang barangay.

Ipinaliwanag ni Vice Mayor Obet Roque na ang pangunahing layunin ng ordinansa ay ang seguridad at kapakanan ng kanilang mga kababayang mangingisda. Sa pamamagitan ng nasabing color coding at stripe, ay madaling makikilala ng kanilang mga bantay-dagat kung ang Bangka ay pag-aari ng kanilang mga kababayan. Madali na nilang makikilala ang mga bangkang pag-aari ng mga outsiders na kadalasan ay siyang ginagamit sa mga illegal na gawain sa kanilang karagatan.

Nilinaw din ni Vice Mayor na mula sa pondo ng munisipyo, ang lahat ng may-ari ng bangka ay bibigyan ng libre at dekalidad na pinturang kulay asul na siguradong hindi kaagad masisira ng araw at tubig dagat.

Ang nasabi umanong programa ay alinsunod sa kanilang vision na “Smart Green Limay” na naglalayong mapanatili ang harmony o magandang relasyon ng mga industriya at lokal na pamahalaan sa magkatuwang na pangangalaga ng kapaligiran.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares