Sa isang maikling video presentation, ipinakilala ni Mayor Gila Garcia sa mga mag-aaral na sasailalim sa Special Program for the Employment of Students (SPES) ng DOLE kung sino si dating Cong. Tet Garcia.
Sa nasabing video ay ipinakita ang pagsisimula ni Cong. Tet Garcia sa kanyang serbisyo publiko, na kalaunan ay naging gobernador din ng ating lalawigan. Namangha ang mga mag aaral nang sabihin ni Mayor Gila na, ang pangunahing layunin ng kanyang ama sa pagtatatag ng Iskolar ng Bataan program ay magkaroon ang bawat pamilya sa Bataan ng kahit isa man lang na propesyonal o makatapos ng kolehiyo na siyang tutulong sa kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Mayor Gila sa harap ng mahigit isang libong mag- aaral na hinati sa anim na batches na pawang mga college students, na maaring hindi na nila inabutan si Gov. Garcia pero naniniwala umano siyang ang mga magulang nila ay kilalang kilala ang kanyang ama at ang programa nitong Iskolar ng Bataan.
Nagpasalamat si Mayor Gila na mayroong SPES ang DOLE dahil ang mga college students na ito ay makatatanggap ng kabuuang sahod na P9, 500. bawat isa pagtatatrabaho sa loob ng 20 araw base sa pangangailangan na trabaho ng munisipyo sa panahon ng implementasyon ng SPES. Ang 60% ng magiging sahod ng mga bata ay galing sa LGU at 40% ay manggaling naman sa DOLE.
Sa pagkakataong ito dahil sa pandemya ayon kay Mayor Gila, hindi lalabas ang mga kabataan para magtrabaho at dahil ang vision ng bayan ng Dinalupihan ay maging isa itong Agropolis kung kaya’t ang mga kalahok sa SPES ay “magtatanim” ng iba’t – ibang gulay sa kani-kanilang bakuran o kung saan sila pwedeng magtanim.
Dagdag pa ng butihing punong-bayan na ang mga buto ng iba’t ibang gulay na itatanim ay manggagaling sa LGU samantalang ang lahat ng gagawin ng mga estudyante ay kanilang ido-document at ia-upload sa SPES page para makita ang development ng kanilang mga tanim.
Sa madaling salita ayon pa kay Mayor Gila Garcia, “nagtanim sila, yong ani para sa kanilang pamilya at may sahod pa sila”.