Sa kanyang mensahe sa ginanap na groundbreaking ceremony para sa Limay General Hospital, ipinaliwanag ni Cong. Abet Garcia na ang inihain niyang panukalang batas tungkol sa modernisasyon ng government arsenal sa Limay ay nakapasa na.
Matapos ang ilang dekada marami nang pondo ang dumating kaya gumagawa na dito ng bala, nagre-refurbish ng mga machine gun, at dumami na rin ang empleyado. Kung kaya’t ang susunod na lebel ayon pa kay Cong Abet Garcia, ay ang ituloy ang sinimulan ni Gov. Joet noong ito ay kongresista pa ng ikalawang distrito. At ito ay ang maiangat ito bilang isang defense economic zone para dumami pa ang investors at dumami rin ang trabaho sa bayan ng Limay.
Binigyang – diin pa ni Cong. Abet na nais din niya na maikonekta ang defense economic zone sa Port of Limay sa Brgy. Lamao. Pinag aaralan umano niya na ang under-utilized Port of Limay ay makatulong sa industriya para magkaroon pa ng mas maraming trabaho ang ating mga kababayan, kasama pa rin dito ang mga housing projects para sa ating mga mangingisda, mga manggagawa at mahihirap nating mga kababayan.