Kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka, umuunlad

ABUCAY, Bataan – Umabot sa P1.5 Milyon ang pondong inilaan ng tanggapan ng agrikultura sa bayang ito para makatulong sa kabuhayan ng mga mangingisda nitong nakaraang 2017.

Ayon kay G. Lorenze Nisay, ginamit sa puhunan ng may 850 mangingisda ang halagang P1 Milyon at ang natira ay inilaan sa pagtatanim ng mga bakawan sa dalampasigan ng mga Barangay  Mabatang, Wawa, Omboy at Calaylayan .

Bukod dito nakatanggap din sila  ng 4 na bangka kasama na ang makina at lambat, 100 solar lamps, 130 gear nets, isang patrol boat para sa pangangalaga ng kalikasan sa mga bahagi ng karagatang sakop ng Abucay.

Mahigit sa 118 mangingisda ang nakatanggap naman ng sertipiko mula sa tanggapan ng Fisheries para sa Production Loan Easy Access (PLEA).

Kaugnay nito, pitong asosasyon naman ng mga magsasaka sa bayan ding ito ang nabiyayaan ng mga kagamitan pangbukid para mapaganda ang kanilang ani.

Ayon kay Abucay Agriculturist Eranio Marabe nabigyan ng isang water pump at isang mini tractor ang Agrarian Reform Farmers Beneficiaries ng Capitangan; nabigyan din ng 10 ulo ng dairy carabao; at dalawang knapsack sprayer ang Hacienda Agrarian Reform Beneficiary Cooperative ng Hacienda Gabon.

Nakakuha naman ng 2 water pumps ang Balatari Farmers Association ng Salian; habang 1 unit naman ang naibigay sa Saligabon Farmers Association ng Gabon.

Idagdag pa rito ang 1 knapsack sprayer na napunta sa Organic Farmers Association of Abucay ng Calaylayan habang 1 knapsack sprayer naman ang nakamtan ng Bangkal Upland Farmers Association ng Bangkal.

Ipinahayag pa ni G. Marabe na maganda ang ani  ng mga magsasaka nitong katatapos lang ng anihan.

Inaasahan ni Marabe na mas lalo pang gaganda ang ani ng mga magsasaka ngayong papasok ang tag-araw dahil karamihan sa mga asosasyon sa Abucay ay may kanya kanya nang water pump.