banner

Kita sa puto bumbong at bibingka nagpasaya sa mga bata

Written by
  • Zeny S.
  • 3 months ago

Sa isang panayam, sinabi nina Dinalupihan Mayor Herman “Tong” Santos at Mrs. Tey Santos, Chairperson ng Tourism sa nasabing bayan, na naisakatuparan ang pamimigay ng regalo sa mga bata, sa tulong ng kanilang kaibigan na si G. Jojit Manalansan, may-ari ng Jojit bibingka at puto bumbong na may mga sangay hindi lamang sa Bataan kundi sa buong Central Luzon.

Ayon kay G. Manalansan, dati na nilang ginagawa ang pamimigay ng regalo sa mga bata tuwing Pasko, pero dito sa Dinalupihan ang pinakamarami. Ipinangako niya kay Mayor Santos na ang lahat ng kikitain ng kanyang tindahan ng bibingka at puto bumbong ngayong kapaskuhan sa bayan ng Dinalupihan ay ido-donate nya para bigyan ng regalo ang mga bata.

Nilinaw naman ni Mayor Santos na ang bilang ng mga bata sa kanilang mga day care centers ay dalawang libo lamang, subali’t minarapat na umano ni Mayor Santos na bigyan na rin ang ibang mga bata sa kanilang bayan kaya umabot ang bilang sa apat na libo.

Bukod sa mga laruan, nagdulot ng dagdag na kasiyahan sa mga bata ang ice cream, popcorn at cotton candy. Sa nakitang kasiyahan ng mga bata sinabi ni Mayor Tong na sisikapin nya na gawin ito taun-taon.

Kasunod ng gift-giving ay ang Christmas lighting na pinangunahan ni Congresswoman Gila Garcia, Mayor Tong Santos at lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan, kung saan sinabi ni Cong. Gila na kasiyahan ang sumasapuso niya tuwing sasapit ang Pasko dahil ito ang panahon na lahat ay masaya; kung kaya’t sa kanyang pagbati ng Maligayang Pasko ay hiniling niya na patuloy silang magkaisa at alalahanin na ang diwa ng Pasko ay pagmamahalan, pagtutulungan at pagbibigayan para sa lalo pang ikauunlad ng bayan ng Dinalupihan.

Article Categories:
News

Leave a Reply

Shares