Ibinahagi ni Marie Joy L. Simpao, PIA
LUNGSOD ng SAN FERNANDO, Pampanga – Bumaba ng 22.11 porsyento ang kriminalidad sa Gitnang Luzon mula Enero hanggang Agosto 2018 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa katatapos na pulong ng Regional Peace and Order Council, iniulat ni Police Regional Director PCSupt Amador Corpus na mula sa 34,647 insidenteng naiulat nooong Enero hanggang Agosto 2017, bumaba ang bilang sa 26,987 ngayong 2018.
Sa index crimes, nakapagtala ng 27.87% pagbaba ng mga inisdente samantalang 20.87% naman ang ibinaba ng mga non-index crimes.
Dagdag niya, kapansin-pansin rin ang pagbaba sa porsyento ng pito sa walong focus crimes sa lahat ng lalawigan sa rehiyon.
Ang pagbabang ito ng mga insidente, aniya, ay nagresulta naman sa pagtaas ng crime clearance efficiency ng 6.53% at ng crime solution efficiency ng 5.08%.
Sa kampanya laban sa iligal na droga, nagsagawa ang kapulisan sa rehiyon ng kabuuang 5,006 operasyon mula Disyembre 5, 2017 hanggang Setyembre 17, 2018 na nagresulta sa pagkaaresto ng 6,916 at pagkamatay ng 364 indibidwal.
Nakapagkumpiska din sila ng 6.5 kilo ng shabu, 71.33 kilo ng marijuana, 11 tableta ng ectasy, 387 armas at 15 bomba.
Iniulat rin ni Corpus na 251 barangays na sa Gitnang Luzon ang nalilinis mula sa anumang iligal na droga at aktibidad base sa mga pamantayan ng Dangerous Drugs Board.
May 93,005 indibidwal na rin ang sumuko kung saan 26,442 sa mga ito ay nakatapos na ng recovery and wellness program mula sa Philippine National Police.
Bukod sa mga inisyatibang ito, nagsagawa rin ang kapulisan ng 425 operasyon kontra sa iligal na sugal; 117 kontra sa illegal logging; 81 laban sa iligal na pagmimina; at pito laban sa iligal na pangingisda, kung saan may mga naaresto, kasong naisampa, at nakumpiskang pera at mga kagamitan.
Naging matagumpay aniya ang kanilang mga programa dahil sa epektibong implementasyon ng kanilang kampanya kontra krimen at ang pagpapatupad ng whole of government approach sa pagsugpo sa iligal na droga.
Gayunman, siniguro pa rin ni Corpus na mananatiling tapat ang kapulisan sa mandato nitong gawing payapa at ligtas sa iligal na droga at terorismo ang Gitnang Luzon.