Ang karugtong…
Hermosa
“Kapitan Balbas”
Noong panahong galugad pa ng mga mangangalakal na Intsik ang iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luson, isang pangkat ng mga bandido na pinamunuan ni “Kapitan Balbas” ang nagtatag ng kuta sa isang lugar na kung tawagin sa ngayon ay “Balsik.”
Isang araw ay nasumpungan ng mga bandido ang isang pangkat ng mga mangangalakal na Intsik na noon ay nagtatangkang makagawa ng isang landas-kalakalan sa Bataan magmula sa Pampanga. Gusto nilang makabuo ng isang magandang relasyon sa mga mamamayan ng lalawigan at simulan ang pakikipagkalakalan sa mga ito.
Agad na bumuo ng isang maitim na balak si Kapitan Balbas upang tambangan nilang magkakasama ang mga Intsik. Napili niyang isagawa ang kanyang balak sa isang ilang na lugar na nagkataong may nag-iisang nakatirik na kubo. May isang tao, isang mangangaso, ang natagpuan nina Kapitan Balbas sa loob ng kubo. Dali-dali nilang kinausap ito ukol sa gagawin nilang pananambang.
Hindi sang-ayon ang mangangaso sa balak ni Kapitan Balbas. At hindi niya ito ikinubli sa mga bandido. Pinakiusapan niya ang mga ito na huwag nang ituloy ang kanilang balak. “May sakit ako at hindi ako makakasama sa inyo,” sabi pa niya. “Pabayaan niyo na lamang ang mga Intsik.”
Hindi pa rin nakinig ang mga bandido. Agad nilang nilagyan ng lason ang dulo ng kanilang mga palaso para magamit sa pananambang. Ang sama pa, ipinagsama pa nila ang mangangaso sa kanilang lakad.
Naganap ang malagim na pananambang. Ni hindi nakapagtanggol ang mga mangangalakal na Intsik. Sa tabi mismo ng isang batis isa-isa silang nangabuwal. Hindi nakatiis ang mangangaso. Kahit nanghihina ay tumawid siya ng batis at saka pasigaw na humingi ng saklolo sa isang pangkat ng magtotroso na nagkakatipon sa di-kalayuan.
Agad namang sinaklolohan ng mga magtotroso ang mangangaso at tinanong ito kung ano ang nangyari. Ang tanging nasabi ng mangangaso bago namatay ay ang salitang “Bal…sik.”
Tinungo agad ng mga magtotroso ang batis kung saan nakalugmok ang mga Intsik. Kabilang sa mga naging biktima ng pananambang ang isang tauhan ni Kapitan Balbas na iniwan na lamang doon ng mga kasamahan. Sugatan din ito at naghihingalo. “Anong nangyari dito? ”tanong ng isang magtotroso.“Tinambangan namin nina Kapitan Balbas ang mga mangangalakal na Intsik,” ang tugon. “At dahil sa aking ginawa ay ito ang napala ko.” At namatay din ito. Saka pa lamang naunawaan ng mga magtotroso ang ibig sabihin ng namatay na mangangaso. Na si Balbas ang tumambang at pumatay sa mga Intsik.
Magbuhat noon ay nakilala na ang nasabing lugar sa pangalang “Balbas-Intsik na nang lumaon ay umikli at naging Balsik.
Dalawang Balsik
Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Baryo Balsik ay mayroong isang tenyente del baryo, isang paaralan, isang relihiyon at isang kapilya. Ngunit makalipas ang digmaan, ang Balsik ay nagkadalawa.
Ang orihinal na Balsik ay pag-aari ng mga asendero gaya ng Pamilya Rivera, Layug, Consunji, Arrastias, Victor, Mallari, Lapid, Manalansan at iba pa. Ngunit sa pagsiklab ng digmaan, ang mayayamang pamilyang nabanggit ay nagsilikas at karamihan ay nanirahan sa Maynila. Binigyan nila ang kanilang mga manggagawa ng karapatan na bungkalin ang mga lupain para ito’y pakinabangan. Bukod-tanging ang Pamilya Manalansan ang naiwan sa Hermosa at itinuloy ang pamamahala sa kanilang bukid.
Sa panahon ng pananakop ng Hapon ay natutong makisama sa mga sundalo at gerilya ang mga taga-Balsik. Ang dalawang pangkat ay kapwa nila binibigyan ng pagkaing inani nila sa bukid. Pati ang mga Hukbalahap ay humingi rin ng tulong sa kanila. Nadamay din sila sa kaguluhan nang minsang magpang-abot ang mga gerilya at Hapon sa Sityo Pulo.
Buhat ng magkaroon ng lupang sinasaka, ang mga manggagawa ay natutong tumanggap ng ibang relihiyon bukod sa Katoliko Romano. Ang isang pangkat ay yumakap sa Iglesia ni Kristo at nagpatayo pa sila ng sariling kapilya. Ang mga nasa gawing silangan ng Balsik ay nanatiling Katoliko. Ang mga nasa kanluran ay naging Iglesia.
Dumating ang panahon na ayaw na rin ng mga Iglesia na pasakop sa tenyente del Baryo ng Balsik kaya sila-sila ang naghalal ng sarili nilang tenyente del baryo. Sa bagong sistema ay madaling naipagawa ang daan papasok sa liwasang-baryo, sa tulong na rin ng American Cavaliers na madalas ay magtungo sa lugar na ito. Sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ni Estanislao Ramos ay napaganda pa ang nasabing daan.
Noong 1935, ay nanungkulan sina Jose Puno, teniente primero, at Jose Samaniego, teniente segundo, kapalit nina Alberto Rivera at Gregorio Perez. Umabot hanggang panahon ng giyera ang kanilang panunungkulan at nagtapos noong 1947. Ang pumalit kina Puno at Samaniego ay sina Primitivo Perez,teniente primero, at Vicente Sebastian, teniente segundo. Sila ang nagpanimula ng pagbubukas ng kumpletong paaralan sa Almacen noong Hulyo 8, 1948. Noong 1953, ang pagpapa-aspalto sa kanilang daan ay natapos sa tulong ni Mayor Guillermo Arcenas.
Bukod sa mga nabanggit na kaunlaran, ang dalawang relihiyon ay nanatiling matatag sa Balsik, ang Katoliko Romano at Iglesia ni Cristo. Isinilang din doon ang pangkat ng Saksi ni Jehovah at iba pang samahang pangrelihiyon.
Baryo Palihan
Ang salitang “palihan” ay kasingkahulugan ng salitang Inglis na “anvil.” Ito ay isang matigas na bakal na ginagamit bilang pandayan ng mga kasangkapang yari din sa bakal. Dito pinupukpok at binibigyang-hugis ang anumang pinainit na bakal na maaaring pakinabangan ng tao.
Mayroon nang pandayan sa Palihan bago pa man sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila noong 1898. Sa lugar na ito ginawa ang maraming rebolber na paltik, mga eskopeta at lantaka (local cannon), gayundin ang mga gulok, balaraw, tulis ng mga sibat at palaso na ginamit ng mga lokal naKatipunero. Ang pandayan ay itinayo sa Palihan dahil ito’y isang liblib na pook at mahirap makita kahit pa paghirapang hanapin ng mga Kastila.
Ang Baryo Palihan ay itinatag noong Enero 16, 1895 ngunit nanatili ito sa ilalim ng hurisdiksyon ng nayon ng Culis hanggang noong Enero 1, 1940 kung kailan ito idineklarang isang malayang baryo ni Mayor Estanislao Ramos.
Ang mga unang pamilya sa baryo ay sina Leocadio Casupanan at pamilya, at pamilya ni Emilio Pineda. Si Domingo Guanzon naman ang unang kinilalang teniente del baryo magmula noong Enero 1, 1940 hanggang Disyembre 1948. Siya ay pinalitan ni Emilio de Leon na nanungkulan hanggang Abril 1950.
Ang lugar na kung tawagin ay Tama ang kaisa-isang sityo dito. Sinasabing ang pangalan ng sityo ay hinango sa kaparehong salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay “walang sablay.”
Ayon sa kuwento-kuwento, ang mga katipunero na nakatira dito ay laging may kasamang mga Negrito sa mga labanan na ang tanging sandata ay mga busog at palaso. Ang mga Negrito ay lagi na umanong tumatama sa kalaban sa tuwing gumagamit sila ng palaso.
Ang Palihan ay isang dating magubat na lugar na dalawang bahay lamang ang nakatirik na gusali. Ang mga unang nanirahan dito ay mga magsasaka at ang kanilang mga ani sa bukid ay kanilang ipinagbibili sa palengke ng Dinalupihan.
Napansin lang ang lugar na ito noong 1920 nang gawin na ang panlalawigang daan ng Bataan kung saan ay tinamaan nito ang Palihan. Sa pagkakaroon ng daan, may ilang pamilya mula sa Lubao, Pampanga, ang nagtungo sa Palihan at dito na nanirahan. Ito ang pinagsimulan ng paglaki ng populasyon ng baryo.
Panahon ng giyera
Lumitaw sa Palihan ang mga sundalong Hapones noong Enero 8, 1942 matapos nilang lansagin ang Hermosa-Dinalupihan Delay Phase Line. Sa araw na ito ay ganap nang nakalikas ang mga residente sa nayon patungo sa bundok kung kaya’t wala nang tao na inabot ang mga Hapon.
Dalawang buwan matapos bumagsak ang Bataan ay saka pa lamang nagbalikan sa baryo ang mga tao. Noong Oktubre 17, 1942, bandang hatinggabi, ay lumitaw sa Palihan ang ilang tao na nagpakilalang mga kasapi ng gerilya sa Bataan. Noong Enero 1, 1944 ay natatag sa baryo ang isang samahan ng mga gerilya na pinamunuan ni Major Leocandio Nipas ng Caloocan City. Lahat halos ng kalalakihan na handang lumaban ay umanib sa samahan.
Isang kubling kampamento ang itinayo ng mga gerilya sa magubat na bahagi ng Tama. Nabunyag ang samahan ngunit hindi natagpuan ng mga Hapon ang nasabing kampo ng mga gerilya. Sa isinagawa nilang pagsosona sa sityo ay 12 katao ang kanilang dinakip at dinala sa garison kung saan sila namatay dahil sa matinding parusa na kanilang dinanas.
Ang pagsasakripisyo ng mga taga-Hermosa, partikular na ang mga gerilya, ay nagbunga naman ng maganda. Noong Pebrero 2, 1945, ay nakianib ang mga gerilya sa American Liberation forces na siyang nagpalaya sa Bataan mula sa kamay ng mga Hapon. Pagkatapos ng labanan sa Bataan, may ilang gerilya ng Dinalupihan ang kusang umanib sa Army of the United States at nakatulong sa pakikipaglaban sa mga nalalabing Hapon na nagtago sa Montalban, Rizal.
Sa pagbabalik ng kapayapaan sa Palihan, isang “paaralan” ang binuksan sa baryo noong 1945. Ang mga unang klase ay idinaos sa loob ng kapilya ng baryo. Noong Setyembre 1949, isang pansamantalang gusali ang itinayo sa tulong ng pondong padala ng American-Philippine War Damage Commission. Ang paaralan ay itinayo sa isang lugar na ibinigay ni G. Eliseo Casupanan. Si G. Paulino J. Yandoc ang unang natalagang teacher-in-charge sa Palihan Elementary School(Casupanan Elementary School).
Kapitan Gusting
Ang Katipunan, samahan ng mga nagmamahal sa bayan na lantarang nakibaka sa mga kaaway, ay niyakap din ng mga taga-Hermosa. Noong magsiklab ang digmaan, lahat ng kalalakihang handang lumaban ay sama-samang lumusob sa kuwartel ng mga Kastila sa bayan at agad nilang napasuko ang mga ito. Hindi naglipat taon (sic) ay pinatay nila si Padre David Varas, ang Dominikong pari sa Hermosa at isinabit pa ang ulo nito sa isang sanga ng calumpang.
Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay muling lumaban ang mga taga-Hermosa. Nagtungo sila sa Calumpit, Bulakan at napasabak sa laban. Si Kapitan Pedro Casupanan ng Culis ay isa sa mga nasawi sa labanan. Nauna silang umatras patungo sa San Fernando, Pampanga, bago tuluyang nagtago sa kabundukan ng Hermosa, sa Sitio Balag-na-baging. Dito ay kinilalang pinuno ng mga rebelde si Tenyente Marcelo Arellano.
Sa panahon ng digmaan ay ilang ulit nilang tinambangan ang mga sundalong Amerikano na pumasok sa Bataan. Sinalakay din nila ang mga kaaway na minsa’y nakarating sa Baryo Culis. Nagawa nilang makatipon ng mga sandata at bala sa ginawa nilang pananambang.
Si Kapitan Agustin “Gusting” Arcenas, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Hermosa noong 1900, ay nakipagtalastasan kay Tenyente Arellano para sumuko na ito at mga tauhan sa mga Amerikano. Nangako rin ang mga Amerikano na babayaran nila ang mga baril at bala na isusuko ng mga rebelde at walang ipapakulong sa
mga ito sa kabila ng kanilang ginawang kasalanan.
Naging mabuti naman ang pagtanggap nina Tenyente Arellano sa kahilingan ng mga Amerikano. Noong Nobyembre 1900 (sic) ay sama-sama silang sumuko, ang kahuli-hulihang pangkat ng mga rebelde na nagsalong ng kanilang sandata. Sinasabing si Tenyente Arellano ay hindi tinanggap ang nasabing pabuya at bagkus ay hiniling sa mga Amerikano na palayain na lamang ang lahat ng bilanggo sa Dinalupihan na naunang dinakip ng mga kaaway. Pumayag naman ang mga Amerikano.
Baryo Culis
Sa panahon ng Liberasyon ay nagawang pasukin ng mga Amerikano ang Baryo Culis noong Pebrero 6, 1945. Doon na nila nakasama ang mga gerilyang taga-Hermosa na kagyat na tumulong para lubos na mapalaya ang Hermosa mula sa kamay ng mga Hapon. Kagyat silang kumalat sa mga sityo ng Balag-na-baging, Timbugan, at Kabatuhan kung saan nagtungo para magtago ang mga Hapones.
Sa mga sumunod na labanan sa Culis ay napakaraming buhay ng mga sibilyan at ari-arian ang nawala. Ang mga bahay sa paligid ay nasunog, kasama na ang paaralan at ang kapilya sa baryo. Pati ang mga alagang hayop ng mga residente ay naubos din dahil napatay o kaya’y ninakaw.
Pagkatapos ng mga kaguluhan, ang mga residente ng Culis ay tumanggap ng mga biyaya mula sa Philippine Civillian Administration Unit (PCAU) na siyang unang namudmod ng mga pagkain, gamot at damit sa mga mamamayan. Sila rin ang tumulong para muling maitayo at mabuksan ang paaralan at kapilya sa baryo.