Liderato ni Gob. Abet Garcia, pinuri

Pinasalamatan at tinawag na tunay na mga bayani ni Sec. Vivencio “Vince” Dizon, Deputy Chief Implementer, National Task Force against COVID-19 ang mga frontliners sa ginanap na Ceremonial Vaccination, kahapon sa BGHMC Annex. Pinuri din niya ang liderato ni Gob. Abet Garcia sa napatatag na pamumunong ipinakita nito sa laban kontra COVID-19.

Ayon pa kay Sec Dizon, naalala pa niya ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan ng Mariveles gayundin ang pagkakaroon ng outbreak sa loob ng Freeport Area of Bataan (FAB) na inakala umano nila na hindi makakayanan, subali’t sa napakahusay na liderato ni Gob. Abet Garcia sampu ng mga punong bayan sa buong lalawigan ay naipatupad umano nila hanggang sa barangay level ang pagsusuot ng face mask, social distancing, lockdown at iba pang health protocols na malaki ang naitulong sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Bataan.

Kung noong una umano, ayon pa kay Sec Vince Dizon, takot, pagod at pag-aalinlangan o hindi alam kung ano na ang mangyayari sa susunod na mga araw ang mababakas mo sa mukha ng mga frontliners, ngayon na mayroon nang bakuna ay nakangiti na sila, at hindi na takot ang makikita mo sa kanilang mga mukha, kung hindi mukha na ng pag-asa.
Kung kaya’t mahalagang simbolo umano ayon pa kay Sec. Dizon, na talagang ang mga frontliners ang unang tatanggap ng bakuna dahil talaga namang ibinigay nila ang lahat ng sakripisyo at maging ang kanilang buhay nila para labang ito.

Leave a comment