Magsasakang naapektuhan ng habagat, natulungan

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan kahapon ni Balanga City Mayor Francis Garcia kasama sina Konsehal Anselmo Sanchez at City Cooperative Officer Lolita del Rosario ang pamamahagi ng mga libreng certified seeds, plastic drums at shredder sa mga magsasakang naapektuhan ng Habagat sa Lungsod ng Balanga.

Ayon kay City Mayor Garcia unang nabiyayaan sa pogramang ito ang Tuyo Farmers Agriculture Cooperative, na sinundan ng KAANIB member tulad ng Dona Francisca at Barangay Cataning na siyang gagawing pilot para sa organic farming system sa mga Kaanib garden.

 

Idinagdag ni Garcia na isinabay na ring ipamahagi ang mga plastic drums sa mga magsasaka para turuan sila ng mga technician mula sa Office of the Provincial Agriculturist  at ibang mga ahensiya na may kinalaman sa paggawa ng pataba na gamitin ang mga drums sa paggawa ng organic liquid fertilizer.

 

Ipinahayag din ni Nerry Mateo, City Agriculturist maganda rin at malaking tulong sa mga magsasaka ang paggamit nitong shredder na kayang gilingin ang mga dayami, garden waste/yard trimming na isa sa mga sangkap sa paggawa ng organic fertilizer.

 

Kaugnay nito pinasalamatan ni Mayor Garcia ang lahat ng mga ahensiya tulad ng Office of the Provincial Agriculturist, PAFC, Department of Agriculture, Regional Field Officer lll sa walang sawang pagtulong para maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka hindi lang sa Lungsod ng Balanga kung hindi pati na sa mga karatig na lugar.