LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tila musika sa pandinig ang daloy ng tubig sa pag-itan ng mga bato sa Ilog ng Tanato, bulubunduking barangay sa Lungsod ng Balanga, na dinarayo ng marami tulad na lamang noong Sabado. “Iba rito kung baga sa pagkain, native itong ilog na ang malamig at sariwang tubig ay galing sa Bundok Natib,” sabi ni Elias Eleazar na kasama ang buong kaanak.
Wala umanong entrance fee at open to the public. Ang mga picnic huts na ang atip ay dahon ng niyog ay P100 lamang maghapon. Sa isang bahagi ng ilog na ang mga picnic huts ay may bubong na kugon naman ay P200 – P300 ang bayad. “Masaya ang mga pamilya rito. Bihira na ang malinis na ilog at ito ang pinakamalinis sa Bataan,” sabi ni Eleazar.
May bahagi ang ilog na tila rock formation ang gilid na ginagawang diving board ng mga bata. Abala sa pagluluto, pag-iihaw ng isda ang mga ina samantalang ang mga ama naman ay panay ang kuwentuhan sa ilaim ng mga picnic huts habang naglulunoy sa mababaw na tubig ng ilog ang mga kabataan.