Personal na ipinakita ni Hermosa Mayor Jopet Inton nitong Martes ang kanyang suporta sa ResBakuna, ang programa ng DOH sa pagbabakuna kontra sa Novel Coronavirus Disease 2019, SARSCov2 o mas kilala sa tawag na COVID-19, sa pamamagitan ng pagtanggap niya ng first dose ng SinoVac.
“Patuloy po ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa ating Senior Citizens mula sa iba’t-ibang Barangay sa Bayan ng Hermosa, ngayong araw atin pong kasalukuyang ginaganap sa Saint Peter of Verona Academy (SPVA) at bilang pakikiisa sa malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 nakatanggap ng unang bakuna ang inyong lingkod,” pahayag ni Mayor Inton sa panayam ng local media.
Ayon sa ulat ng Hermosa RHU, nasa 142 na senior citizens ang tumanggap ng SinoVac Vaccine nitong Martes, June 8, 2021 at ito anila ang second batch ng Hermosa Vaccination Program.
Sa kabuuan ang mga nakatanggap ng 1st dose vaccine sa bayan ng Hermosa para sa mga senior citizens ay nasa 300 katao na.
“Ito po ay unang hakbang patungo sa mas ligtas at COVID FREE nating Bayan. Pakiusap sa mga mamamayan na mahigpit na sundin ang health protocols upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating vaccination site,” dagdag pa ng Alkalde.