Nangako ng suporta ang mga ahensya ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga may kapansanan sa pagdiriwang ng ika-41 National Disability Prevention and Rehabilitation Week.
Layunin ng nasabing selebrasyon, na may temang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga Taong May Kapansanan”, na itaas ang pampublikong kamalayan tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga taong may kapansanan at hikayatin ang aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan na tugunan ang mga isyung ito.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Director Marites Maristela, pinaiigting ng nasabing tema ang kinakailangang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mga polisiya at programang magtataguyod sa mga karapatan at kapakanan ng mga taong may kapansanan.
Tiniyak din niya ang agarang serbisyo sa mga may kapansanan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribado at pampublikong sektor upang maibigay ang kinakailangang atensyon at resources para sa nasabing sektor.
Sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government na patuloy silang makikiisa sa DSWD na itaguyod ang karapatan ng mga may kapansanan sa pamamagitan ng paghikayat sa mga lokal na pamahalaang palakasin ang kanilang social protectionat pagpapanatili ng maayos na koordinasyon sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Binigyang diin naman ng Department of Health ang kahalagahan ng pagkakaroon ng boses sa lokal na pamahalaan dahil instrumental ang mga ito sa matagumpay na pagpapatupad ng mga karapatan at programa para sa mga may kapansanan.
Nagpahayag din ng suporta sa nasabing sektor ang iba pang ahensya sa pamamagitan ng health insurance, scholarship at mga pagsasanay.
Tampok din ng nasabing aktibidad ang tagisan ng talento ng mga may kapansanan mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.