banner

Mt. Samat Shrine, idineklarang tourism enterprise zone ng TIEZA

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Idineklara ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA)  ang  Mt. Samat National Shrine o Dambana ng Kagitingan na matatagpuan sa tuktok ng makasaysayang bundok Samat sa Brgy. Diwa, Pilar  bilang isang tourism enterprise zone (TEZ) na kauna-unahan sa Central Luzon. Ito ang kinumpirma ni Bataan Gov. Albert Garcia sa ginanap na joint meeting ng  2nd Bataan Provincial Development Council and League of Mayors sa Crown Royale Hotel sa lungsod na ito kamakailan.

Anya, ang Mt. Samat na may global name recall dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay magiging angkla (anchor) ng turismo sa Bataan dahil sa taglay na kagandahan ng memorial shrine complex   bukod pa sa naging bahagi ito ng kasaysayan dahil itinayo ito bilang pagpupugay at pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalong Filipino at Amerikano na nakipaglaban at nagbuwis ng buhay noong digmaan. “This will be another game changer of Bataan!,” dagdag pa ni Gob. Garcia.

Binigyan-diin pa ng gobernador na hindi lamang mapauunlad ang industriya ng turismo sa Bataan sa pagkaka-apruba ng TIEZA para mapabilang sa tourism enterprise zones (TEZs) sa bansa ang Mt. Samat, kundi kasama na rin sa sangkap nito ang pagbuhay sa pagmamahal sa bayan ng mga susunod na henerasyon na ipinamalas ng mga beterano ng digmaan.

Ang Bataan ang kauna-unahan sa Gitnang Luzon na mayroong TEZ at kahanay na rin nito ang Rizal Park o Luneta at Palawan na kabilang sa anim na idineklara ng TIEZA sa buong bansa. Ang TIEZA na pinamumunuan ni dating Pampanga Gov. Mark Lapid ay isang attached agency ng Department of Tourism.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Pilar town mayor Alice Pizarro na malaking benepisyo para sa kanilang bayan ang mapabilang ang Mt. Samat bilang TEZ na matagal nang isinusulong ni Gob. Garcia noong siya ay isang kongresista pa lang,  dahil bukod sa sisigla ang turismo ay maghihikayat ito ng maraming investors na magbibigay naman ng job opportunities sa mga Bataeño.

Nabatid na hindi lamang sa Mt. Samat nakatutok ang konsepto ng TIEZA para sa masterplan nito na nakatakdang isagawa ang bidding process sa Oktubre kundi sa buong lalawigan na isang malaking development dahil makikilala rin sa iba pang panig ng mundo ang beach resorts dito at iba pa nitong historical sites.

Bukod sa malalaking incentives na ipagkakaloob sa mga investors at locators  ay makatatanggap din ng  tax holidays at free import duty ang mga ito sa sandaling masimulan na ang operasyon ng Mt Samat tourism enterprise zone na inaasahang magbibigay din ng dagdag kita sa Pilar na nagsisimula na ring makilala sa ibang lugar bilang tourist destination dahil sa kanilang zip line, at tree hopping activities sa Dunsulan Falls na dinarayo na ng mga dayuhan at lokal na turista.

Ang Dunsulan Falls ay hindi sakop ng Mt. Samat ngunit ayon kay Gob. Garcia, “pwede rin idebelop ang mga karatig na lugar. Dahil dito, ipinahayag ni Mayor Alice Pizarro na kung history ang pag-uusapan isasama na rin nila sa plano ng idedebelop ang Sityo Mabungo sa Barangay Pantingan, dahil dito ang last line of defense kung saan maraming sundalong Pilipino ang nagbuwis ng kanilang buhay para maipagtanggol ang bayan. Idadagdag din sa nasabing plano ang pagpapaayos ng makasaysayang simbahan ng Pilar, ang Nuestra Señora del Pilar dahil sa edad ng gusali nito na umabot na sa mahigit 200 taon.

Article Tags:
·
Article Categories:
News · Tourism

Comments are closed.

Shares