banner

Muling paalala, laban sa dengue

Written by
  • Jonie L. C.
  • 6 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Dahil patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga dinadapuan ng sakit na dengue, muling nanawagan si Dr. Rosanna Buccahan ng Provincial Health Office (PHO) sa lahat ng mga mamamayan sa buong lalawigan na gawin ang mga kaukulang pang-iingat.

Pinayuhan ng Provincial Health Office ang mamamayan na panatilihing malinis ang kani-kanilang mga bakuran, siguraduhing walang tubig na naka-imbak sa mga lata, gulong, plorera at lahat ng pwedeng pangitlugan ng mga lamok.

Ayon kay Dra. Rosanna Buccahan umabot sa 50 porsyento ang itinaas sa bilang ng dinapuan ng dengue (443) mula Enero 01 hanggang Febrero 06 ng kasalukuyang taon kung ikukumpara noong nakaraang taon sa ganoon ding mga buwan na umabot lamang sa 222.

Ipinahayag pa ni Dra. Buccahan na kailangan ang pagtutulungan ng bawa’t mamamayan para malabanan ang pagdami ng dinadapuan ng ganitong karamdaman.

Kaugnay nito sinabi ni Dra. Buccahan na maging si Bataan Governor Albert Garcia ay nagbigay na rin ng direktiba sa lahat ng mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan sa buong lalawigan na magbigay ng kaukulang paalala sa mga mamamayan na huwag balewalain ang mabilis na pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue.

Ang mga bayan na may mga kaso na ng dengue sa lalawigan ay ang Bagac – 77 (isang babae dito ang namatay); Limay-70; Balanga City-60; Hermosa 47; Mariveles-41; Dinalupihan-32; Orani-22; Abucay-19; Orion-18; Morong-14 at Samal-11. Sa mga nabanggit na kaso, 57 porsyento dito ay lalaki. Ang mga dinapuan ng nasabing sakit ay may mga edad na mula 5 buwan hanggang 64 na taon.

Samantala sinabi naman ni Michael Angelo Baluyot, Provincial Epidemiology and Surveillance Unit Nurse na kailangang magmatyag ang mamamayan sa kapaligiran at ugaliing mag search and destroy sa kanilang lugar.

“Ibig lamang pong sabihin na huwag na nating hayaan pa na mapangitlugan iyung mga tubig na nakaimbak sa mga lalagyan na nasa suluk-sulok; itapon na, nang sa ganoon hindi na mapamugaran pa ng mga lamok” ayon pa kay Baluyot.

Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares