banner

PAGBAHA SA UNANG DISTRITO TUTULDUKAN

Written by
  • Jonie L. C.
  • 8 years ago

DINALUPIHAN, Bataan – Sinimulan nang pag-aralan ng Regional Project Management Office (PMO)  ang pagtuldok sa pagbaha partikular sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa at Orani, paniniyak ni District-1 Department of Public Work and Highways (DPWH) Chief Engr. Wilfredo Mallari kahapon.

            Ayon kay Engr. Mallari inilabas na ng ahensiya ang 4.5 milyong piso mula sa kabuuang halaga na P3.5 bilyon flood control project para sa pitong taong implementation ng proyekto sa lalawigan ng Bataan.

            Ang P3.5 bilyon ay base sa feasibility study na ginawa ng DPWH para maibsan ang palagiang pagbaha sa mga nabanggit na bayan sa tuwing sasapit ang walang puknat na pag-ulan lalo na nitong nagdaang habagat at sa darating pa ng panahon ng tag-ulan.

            Sinabi pa ni Mallari na minamadali na ng PMO ang pagsasagawa ng malawakang survey sa mga kailugan sa Unang Distrito kasama ang Lubao River na siyang pangunahing dinadaluyan ng malaking volume ng tubig tuwing tag-ulan na karaniwang sanhi ng pagbaha.

            Ipinahayag pa ng hepe ng departamento na maglalagay ng divesion channel sa Lubao River upang ang tubig na manggagaling sa Gumain at Caulaman River ay diretsong dumaloy sa Manila Bay at  hindi na papasok pa sa mga kailugan ng Dinalupihan.

            “Sa ngayon nakita natin na kaya tayo nalulubog ng tubig baha, una wala pang ilog sa Palihan puro palayan pa ang nasa ilalim nito. Gagawa pa tayo ng ilog na bubutas patungo sa Almacin River, mga 2 kilometro ang layo dito, iyung manggagaling na tubig sa Culo ay lalabas sa Balsik habang sa Pampanga Side Gumain at Caulaman ay tatagos sa San Simon, Pentor, Balsik patungo sa Pulo at Almacin River sa bayan ng Hermosa papuntang Orani hanggang sa makarating sa Manila Bay” dagdag na pahayag ni Mallari.

            Kaugnay nito nakita rin ng departamento na maliit ang mga daluyan ng tubig sa mga kailugan kaya luluwagan ito hanggang 100 metro para magaan umano ang daloy ng tubig patungo sa Manila Bay.

            Nauna rito, lagi na itong binabanggit ni Bataan Governor Albert Garcia at Dinalupihan Mayor Gila Garcia sa ating mga kababayan sa Unang Distrito ng Bataan kapag sila ay nakikipagmiting sa mga tao lalo na at galing sa southern part ng Lalawigan na maiibsan na ang pagbaha sa tatlong bayan sa tuwing sumasapit ang tag-ulan dahil noong una pa man ipinangako na kina 1st District Congressman Enrique Garcia Jr. at Governor Garcia ni Pangulong Noynoy Aquino na paglalaanan ng badyet ang Bataan hinggil sa flood control.

            Idinagdag pa ni Mallari hinugot ang naturang pondo sa local fund project para sa madaliang pagpapatupad ng mga proyekto sa Bataan.

Article Tags:
·
Article Categories:
Environment

Comments are closed.

Shares