
BALANGA CITY, Bataan —- Bilang bahagi ng adbokasiya ng pamahalaang panlungsod na itaguyod ang healthy lifestyle para sa mga Balangueño, idinaos nito ang kauna-unahang Masaganang Fiesta Food Festival sa Plaza Mayor de Balanga kung saan mga produkto ng organic farming ang pwedeng bilhin at kainin sa gitna ng nasabing kasiyahan.
Ayon kay City Mayor Joet Garcia, ang nasabing food festival na may temang “Go-organic, Go sustansya “ ay kanilang ipinalit sa SMB Nights na bahagi ng pagdiriwang ng lungsod sa kanilang taunang piyesta, kung saan imbes na bumili at uminom ng nakalalasing na alak ay masusustansiyang pagkain ang kanilang ipinalit dito.
Binanggit pa ng alkalde na humabol sa nasabing pagdiriwang na kagagaling lamang ng Maynila at iprinisinta sa Department of Health (DOH) ang healthy lifestyle program ng Lungsod na “Go sustansya, Go smoke-free, Go slow sa tagay at Go sigla” na bahagi rin ng GO4Health campaign ng health department.
Sinabi naman ni Nerissa Mateo, pinuno ng City Agriculture Office, na 25 barangay na kabilang sa kanilang Kasama Ani sa Barangay (KAANIB) program ang lumahok sa naturang food festival kung saan ang lahat ng kanilang mga panindang gulay ay pawang produkto ng organic farming at nanalo sa mga cooking contest.
Bukod sa local bands na nagbigay ng aliw at saya sa mga lumahok sa food festival na bahagi ng one-month long celebration ng piyesta ng Balanga sa Abril 28, mayroon ding stilt walkers, mga kabataan na nakasuot ng anime’ costume at super heroes na nagpasaya sa mga bata at maging mga matatanda na dumagsa sa naturang pagdiriwang habang ninanamnam ang mga pagkain na kanilang binili sa mga lumahok na food concessioners.