P1-M target ng DTI sa 3-day Balik-Eskwela Diskwento Caravan

   Ayon kay OIC DTI-Bataan Provincial Director Nelin Cabahug, target ng kanilang ahensya na kumita ng P1-milyon sa nasabing caravan na tatagal hanggang sa Biyernes (Mayo 16) bilang pagtulong sa mga kalahok na small and medium enterprises (SME’s).

   Umabot sa 41 SME’s ang lumahok sa naturang diskwento-caravan na magbibigay ng hindi bababa sa 10 porsyentong diskwento sa kanilang mga produkto gaya ng school supplies, uniforms, bag, sapatos, iba’t ibang local food products at mga delicacies, kasama na rin ang mga vitamins, gulay at bigas.

   “Para po itong one-stop shop at presyong Divisoria, kaya inaanyayahan po namin ang lahat ng ating mga kababayan na samantalahin ang ating 3-araw na diskwento caravan,” ani Cabahug.

   Idinagdag pa nito na kaagapay ng DTI sa programang ito ang pamahalaang lungsod ng Balanga sa pamumuno ni Mayor Joet Garcia at si Bataan Gov. Albert Garcia para matulungan ang mga Bataeño na maging sulit ang kanilang bawat sentimo sa pamamagitan ng murang bilihin na iniaalok ng mga kalahok na establisimyento sa nasabing caravan na kanilang sinimulan noong 2011.

   Sinabi naman ni Loi Malibiran, Senior Trade and Industry Development Officer, na mayroon ding side activity ang kanilang caravan, kung saan magbibigay ng libreng masahe ang mga nagtapos ng training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at libreng seedlings ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

   Bukod ditoý magbebenta rin ng bigas ang National Food Authority (NFA) at magsasagawa ng free medical consultation ang Provincial Health Office (PHO).

   Idinagdag pa ni Malibiran na kung dati, ay dalawang beses na nagsasagawa ng diskwento caravan ang DTI sa loob ng isang taon sa buong bansa, ito ay gagawin na lamang ng isang beses kada taon at isang malaking hamon sa kanila ang maabot ang target sales na P1 milyon bawat probinsya kung saan bukod sa Bataan ay kasabay din nitong nagdaraos ng diskwento-caravan ang probinsya ng Aurora.