COVID-19 News

Pagbili ng COVID-19 vaccine inihahanda na sa Bataan

0

Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan ang pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Bataan Governor Albert Raymond Garcia, nitong unang linggo pa lamang ng Disyembre 2020 ay nagsimula na siyang makipagugnayan sa mga kinauukulan upang masiguro ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna sa lalawigan.
Kabilang sa mga nakausap ng kapitolyo ang Senior Vice President for Commercial Vaccines ng Moderna Therapeutics na si Patrick Bergsted at kinatawan ng Zuellig Pharma Corporation na si Janneth Jakosalem.

Nakipagpulong din sila kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., Department of the Interior and Local Government at Department of Health upang maipatupad ang pagbabakuna sa lalawigan sa lalong madaling panahon.
Dagdag ni Garcia, naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan upang lumikom ng sapat na pondo katuwang ang mga nasasakupang pamahalaang bayan at lungsod at mga pribadong kumpanya upang maipagkaloob nang libre ang bakuna sa publiko.

Pinag-aaralan na rin ang sistematikong pag-roll out sa oras na dumating na ito.
Kasabay nito ay ang paghahanda ng priority list na kinabibilangan ng mga frontline health workers, senior citizens at mga mahihirap.

Ani Garcia, ang bakuna kontra COVID-19 ang magbibigay ng kasiguruhang matagal nang hinihintay upang ganap na mapuksa ang pandemyang nagpapahirap sa buhay at kabuhayan ng mga kababayan.
Makaaasa aniya ang mga mamamayan na ginagawa ng kapitolyo ang lahat ng makakaya upang masigurong maabot ng bakuna ang bawat Bataeño.

P10M pondo ibinigay ni Sen. Nancy Binay sa bayan ng Pilar

Previous article

Bataan gets P5M to boost response to ASF

Next article

You may also like

Comments

Leave a reply