Ito ang kakaibang misyon ng ministry ng mga Kabataan ni Apo Kulas ng bayan ng Mariveles, kung saan ang mga aktibong kabataan na ito na naglilingkod sa misa tuwing Linggo ay abala naman tuwing Sabado sa mesa ng kanilang community pantry.
Ayon kay Kap Ivan Ricafrente ng Brgy. San Carlos na siyang tumatayong tagapayo ng mga nasabing kabataan, ang kanila umanong youth ministry ay naglilibot sa mga liblib na sitio ng iba’t ibang barangay upang doon magdaos ng community pantry at nitong nakaraang Sabado ay sa Sitio Upper Ipag/old dumpsite sila nagtungo para sa pagdaraos ng kanilang ikatlong community pantry.
Mahigit sa 100 katao ang nabenepisyuhan ng nasabing community pantry na nagpamigay ng mga packed lunch mula sa CWL, mga gulay, bigas, itlog, noodles, tinapay at namahagi rin sila ng mga rosaryo.
Lubos ang pasalamat ng mga kabataan sa mga sponsors at ayon pa sa kanila ay itutuloy nila ang misyong ito hangga’t may nagbibigay para dalhin sa mga liblib na lugar gayundin ipangaral ang salita ng Diyos.