Pagtatanim ng mga halamang mabango ang bulaklak, ipinayo

Pagtatanim ng mga halamang mabango ang bulaklak, ipinayo

1Bataan –mula sa ulat ni Jonie Capalaran

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Kasabay ng pangako ng mga bumubuo ng Bataan Poultry Growers Association Inc. (BPGAI) na pagtulong sa pagpapatupad ng Clean Air Act sa buong lalawigan ng Bataan, patuloy pa rin ang kanilang pag-aaral upang lalo pang mapaunlad ang nasabing industriya ating sa lalawigan.

Ito ang naging pahayag ni G. Erick Hermoso, Vice President ng BPGAI noong Biyernes, ika-5 ng Pebrero sa isang seminar na idinaos sa Crown Royal Hotel and Restaurant sa lungsod na ito.

Kaugnay nito, hiniling ni Environmental Management Bureau (EMB) Region-3 Director Lormelyn Claudio sa mga kasapi ng BPGAI na magtanim ng mga halamang mabango ang bulaklak sa paligid ng kanilang mga manukan.

Ayon kay Director Claudio mas maiging magtanim sila ng mga halamang kalatsusi, eucalyptus, sampaguita at iba pa para malabanan ang masangsang na amoy sa loob ng kanilang poultry farm.

Sinabi naman ni Maryjane Tanjuan, Presidente ng BPGAI na ang pagtatanim ng mga naturang puno ay isa sa mga requirements ng EMB upang makakuha sila ng permit mula sa nasabing ahensiya.

“Maganda naman ang layunin ng EMB na magtanim ng mga puno o halamang namumulaklak nang mabango para na rin mapangalagaan ang ating environment at kalagayan ng ating mga kababayan” ani pa Tanjuan.

Ayon naman kay Hermoso, sa kasalukuyan 80 porsyento sa kanilang 58 na miyembro na ang nakasusunod sa itinadhanang panuntunan ng Provincial Government na paglalagay ng tamang ventilation at mga net barriers na syang hadlang sa pagpasok at paglabas ng mga langaw sa mga cage, at upang maiwasan ang pag-abot ng mga ito sa mga kabahayan.

Idinagdag pa ni Hermoso na mayroon silang kasamahan na naglagay na ng air conditioner sa loob ng mga kulungan upang mapanatili itong sarado at hindi mapamugaran ng mga langaw.

Matatandaan na abot ang reklamo ng mga residente malapit sa mga manukan sa lalawigan dahil sa pagkalat ng napakaraming langaw.

Ayon naman kay Jojie Aguas, BPGAI Secretary, ang 58 nilang kaanib (poultry growers, breeders, layers) ay kayang magproduce ng mahigit kumulang 18 milyong manok, katumbas ng 10 porsyento ng produksyon sa buong Pilipinas na sa kasalukuyan ay kulang umano kung kaya’t ang kakulangan ay inaangkat pa sa ibang bansa.

Ipinahayag naman ni Treasurer Nitz Samaniego, nasa 2,000 na ang bilang ng mga empleyado ng kanilang mga miyembro; 125 dito ay mga skilled at graduate ng Animal Science sa BPSU Abucay Campus (BNAS), 204 ay mga flockman na kahit hindi tapos ng pag-aaral ay kinuha nilang mga kawani at 1,520 ay mga contractual employees na kinuhang taga linis at taga harvest.

Sa huli, pinasasalamatan ng grupo ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Albert Garcia dahil sa suportang ibinibigay nito sa mga poultry raisers sa Bataan; Dr. Alberto Venturina, Provincial Veterinary; Bokal Gaudencio Ferrer, committee chairman on Agriculture dahil sa pagbuo ng batas at regulasyon kung paano makontrol ang pagdami ng langaw kung hindi man tuluyang mawala.