Bataan History

Part 13

0

Orion

Ang Orion ay naitatag bilang isang malayang bayan noong Abril 30, 1667. Ito ang pang-apat na regular na bayan na naitatag sa loob ng matandang “Partido de Batan.” Sumunod lang ang Orion sa mga bayan ng Abukay (itinatag noong 1588), Samal (1641) at Balanga (1659). Sa simula ay sakop ng Orion ang noo’y mga baryo ng Limay at Lucanin. Nahiwalay lamang ang Limay noong Enero 1,1917. Ang Lucanin naman ay naging baryo ng Mariveles.

Ang Orion ay isang bayan na nakaharap sa Manila Bay at napapagitnaan ng mga bayan ng Pilar at Limay. Ito ay may sukat na 6,541 ektarya o 65.41 kilometro kuwadrado. May layong 132 kilometro ang Orion magmula sa Maynila, walong kilometro mula sa Balanga, at 20 kilometro mula sa Mariveles, ang pinakadulong bayan ng Bataan. Sa kasalukuyan, ang Orion ay isang third-class municipality at kumita ng P44 milyon mula sa buwis noong 2005. Naitala noong Agosto 2010 ang kabuuang populasyon ng Orion na umabot sa 51.454.

 

23 barangay

Ang Orion ay may kabuuang sukat na 6,541 ektarya na hinati sa 23 barangay na binubuo ng mga town proper barangays tulad ng  Arellano, Bagumbayan, Balagtas,  Balut, Daan Bago, Daan Bilolo, Lati, Lusungan, San Vicente, Villa Angeles, Wakas, Wawa.

May mga rural barangays din sa Orion gaya ng Bantan, Bilolo, Calungusan, Camachile, Daan Pare, Kapunitan, Puting Buhangin, Sabatan, Santa Elena, Sto.Domingo at General Lim, ang pinakamalayo sa kabayanan  at matatagpuan sa may paanan ng Bundok Samat.

Kung ang huling nabanggit na barangay ay nasa paanan ng bundok, mahigit naman sa 30 porsiyento ng kabuuan ng Orion ay kapatagan at maituturing na angkop sa agrikultura. Malalawak pa rin ang naritong mga bukirin na angkop para sa lahat ng uri ng pananim. Ang mga barangay tulad ng Sabatan, Bilolo at Daan Pare ay halos bulubundukin na ngunit maaari ding tamnan at pag-anihan ng palay, mais at mga gulay.

Ang ibang barangay ay nakahanay sa gawing baybayin ng Manila Bay, magmula sa Bantan sa gawing hilaga hanggang sa Puting Buhangin sa gawing timog, kung kaya’t pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao doon.

Umaabot sa 11 ang itinuturing na coastal barangays sa Orion na may kabuuang sukat na 3,823 ektarya. Ang mga residente dito ay sangkot sa maliliit at commercial fishing. May kabuuang 909 ang bilang ng mga mangingisda ng Orion noong 2003 at gumamit sila ng  520 motorized boat at 76 non-motorized boat.

May anim na malalaking ilog sa Orion, tulad ng Calungusan River, Sto. Domingo River, San Vicente River, Orion River, Lucong River at Pandam River. May maliliit ding ilog tulad ng Bana at Tabo Creek na dumadaloy ang tubig patungong Manila Bay.

Tulad ng iba pang bayan, ang Orion ay sinusuplayan ng kuryente ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO). Ang tubig na maiinom ay galing naman sa Orion Water Company (ORIWAD), San Vicente Waterworks, Lati Waterworks at Bantan Waterworks. Ang mga barangay tulad ng Calungusan, General Lim at Santa Elena ay kumukuha ng tubig mula sa mga itinayong maliliit na waterworks, gripong free-flow at mga ordinaryong bomba ng tubig.

Ang mga barangay sa Orion ay may kanya-kanyang paaralang elementarya. Mayroon ding high school sa Barangay Arellano, angOrion National High School at Jose Rizal Institute, kasama pa ang Bataan School of Fisheries. May tanggapan din ang Philippine Postal Corporation sa Orion, katulad din ng Philippine Long Distance Telephone Company at DIGITEL, mga cell site ng Smart, Globe Telecoms at Sun Cellular.

 

Lumang kasaysayan

Sa simula, naitatag ang Orion bilang isang bayan noong 1667 matapos na pag-isahin ang dalawang pinaka-unang baryo sa nasabing bayan, ang mga baryo ng Pandam (Daang Bilolo) at Calungusan. Nauna pa dito, ang unang pangkat ng mga Kastila na nakarating sa Orion ay pinangunahan ni Fr. Christopher Salvatierra ng Dominican Order. Inabutan nila ang lugar na pinananahanan na ng mga katutubo, mga sinaunang Moro na nanggaling pa sa Mindanao at Kabisayaan. Ang mga Moro ay napag-alaman na marunong nang makipagkalakalan sa mga biyaherong Intsik at Hapones.

Matapos magtatag ng unang misyon sa Calungusan (hindi sa Poblacion), si Padre Salvatierra ay nagbalik sa Maynila para masimulan ang proseso ng pagtatatag sa bayan ng Orion. Iniwan niya ang pangangasiwa sa Calungusan kay Sarhento Trajano at mga tauhan. Si Trajano na ang nagsimulang tumipon sa mga katutubo sa iisang lugar. Ang mga ito ay hinikayat niyang magsama-sama para sa kanilang kabutihan. Sinimulan din nina Trajano at mga katutubo ang pagtatayo ng isang matibay na kapilya sa Calungusan kung saan itinampok si San Miguel Arkanghel bilang patron. Gumawa din sila ng ilang kabahayan, mga daan at tulay sa baryo.

Isang Padre Domingo Perez ang nagbalik sa Orion sa halip na si Padre Salvatierra noong 1666. Siya ang nagpasimuno para kilalanin ang Calungusan (hindi Poblacion) bilang isang visita tulad ng Abucay, Samal at Balanga. Makalipas pa ang isang taon ay nagawa ni Padre Perez na matupad ang pangarap ng kasamahan niyang pari. Magmula noon ay isa-isa nang dumating sa Orion ang marami pang mga Kastila, pari at sundalo.

Bilang gantimpala, si Trajano ay pinagkalooban ng malawak na lupain sa Calungusan. Siya at ang kanyang pamilya ay pinagpala ang nasabing lupain, katulong ang mga katutubong Moro. Napakinabangan nila nang husto ang lupain na angkop sa agrikultura.

Matapos maitatag ang Orion bilang isang bayan ay unti-unti ring umunlad ang Baryo Pandam sa pangunguna pa rin ni Sarhento Trajano. Hindi nagtagal ay naisipan niyang lumipat sa Pandam at doon na nanirahan. Si Sarhento Trillanes, ang tagapangasiwa ni Trajano, ang naiwan at nag-asikaso sa lupain ng una sa Calungusan. Hindi nagtagal, mas umunlad pa ang Pandam kaysa sa Calungusan kung kaya’t pagdating ng araw ay doon na itinayo ng mga bagong pangkat  ng  Kastila ang Poblacion, ang sentro ng Orion. Doon na rin itinayo ang kasalukuyang Simbahan ni San Miguel.

Sa kasaysayan ng Orion, dito nagmula ang ilang kilalang residente tulad nina Gobernador Gregorio R. Quicho, Congressman Fortunato de Leon, Dominador Venegas at Supreme Court Associate Justice Emilio Gancayco.

 

Alamat ng Orion

Gaya ng mga naunang natalakay na bayan, ang Orion man ay marami ding bersyon kung bakit tinawag sa gayong pangalan.

Ang unang bersyon ay ganito: “Udyong” umano ang sinaunang pangalan ng nasabing bayan. Ang udyong ay katumbas ng ‘putik’ o ‘mud’ sa wikang Inglis. Lagi umanong maputik sa Udyong noong unang panahon kaya ito ang ipinangalan sa nasabing lugar. At ang mga Kastila, dahil umano hirap sa pagbigkas sa salitang udyong ay pinalitan ito at ginawang ‘uryong’; na nang lumaon ay naging ‘oryon’ hanggang maging ‘orion’.

Narito ang ikalawang bersyon: May mga Kastila umano na napasyal sa Orion isang araw. Nakatagpo sila ng isang kulumpon ng mga tao na nagbubungkal ng nagpuputik na lupa. Nakita nila na naghuhukay pala ng uod ang mga tao, para gamitin sa panghuhuli ng isda sa dagat. Nilapitan nila ang mga tao at inaalam kung anong lugar ang kanilang napuntahan, sabay turo sa lupa. Inakala naman ng tao na tinatanong sila ng Kastila kung ano ang hinuhuli nila sa lupa. Kaya presto, sumagot sila ng ‘uod ‘yon.’”

Ang ikatlo at huling bersyon ng pagkakaroon ng pangalan ng Orion: Tinawag umanong Orion ang nasabing bayan matapos makatagpo ang mga Kastila ng maraming tao na naninirahan sa nasabing lugar. Hinalaw umano ang Orion sa salitang Kastila na ‘oriundo,’ na ang ibig sabihin sa wikang Inglis ay “natives.”

Simula ng Orion

Ito ang bersyon na pinaniniwalaang malapit sa katotohanan. Ang pinagmulan ng pangalan ng Orion ay ang “Orion constellation” na makikita sa tapat ng bayan ng Orion. Ang pangkat ng mga bituin na ito ay lumilitaw sa kalangitan magmula sa buwan ng Disyembre hanggang Pebrero. Ang Orion ay kabilang sa winter constellation. Kasama nitong lumilitaw ang mga constellation ng Gemini, Auriga, Perseus, Aries, Taurus, Canis Minor, Canis Major, Lepus, Columba, Puppis, Cetus at Pisces.

Ang Orion constellation ay tinatawag ding Giant Hunter of the Heavens. Madali itong makita sa langit. Halos nasa daanan ito ng araw. Ang hugis nito ay rektangulo na may tatlong bituin sa gitna o sa gawing baywang ng Giant Hunter. Ang pinakamalaking bituin sa nasabing constellation (sa gawing ulunan) ay ang Betelgeuse, na sa katotohanan ay isang araw at may isandaang ulit ang laki kaysa sa ating araw. Ang Rigel ay isa ring bituin na nasa kaliwang paanan ng Orion. Sa baywang ng Orion ay naroon ang tatlong magkakalinyang bituin. Natatangi sa tatlo ang ganda at ningning ng bituing Delta.

May Akda

Walang malinaw na ulat kung sino ang nagbigay ng pangalangOrion sa Orion. Ngunit kung lilimiin ang mga pangyayari, posibleng si Padre Christopher Salvatierra de Salamanca ang may-akda ng pangalan ng Orion. Siya ang lumitaw na unang naglibot sa kalawakan ng Partido de Batan noong 1587 kaya posibleng siya rin ang nagbigay ng pangalan ng mga lugar na kanyang napuntahan. Malamang din na alinman sa mga buwan ng Disyembre, Enero at Pebrero nang siya’y nakarating sa Orion at nakita niya ang puwesto na Orion constellation na nasa tapat lamang ng bayan  ng Orion. Posible ring ibang tao o ibang pari ang nagbigay ng pangalan sa Orion. Subali’t ang mahalaga, sa Orion constellation nanggaling ang pangalan ng Orion.

Mga Pinunong Naglingkod sa Orion
(1901-2016)

BLG ALKADE BISE ALKALDE TAON
1 Vicente Rodriguez Basilio Santos 1901-1903*
2 Luis Baltazar Simeon Rodriguez 1903-1905
3 Simeon Rodriguez Francisco Urquisa 1905-1907
Simeon Rodriguez Francisco Urquisa 1907-1909
4 Mariano Angeles Pedro Hipolito 1909-1910
Mariano Angeles Pedro Hipolito 1910-1912
5 Francisco Calimbas Francisco Urquisa 1912-1914
6 Francisco Urquisa Esteban Dupungan 1914-1916
7 Donato Calimbas Nicasio Baluyut 1916-1918
8 Cipriano Tiambeng Agapito Angeles 1918-1919
9 Simeon Rodriguez Agapito Angeles 1919-1921
10 Perfecto Evangelista Paulo Venegas 1921-1923
11 Fausto Paguio Francisco Calimbas 1923-1925
12 Manuel R. Santos Agustin Angeles 1925-1928
Manuel R. Santos Simeon Rodriguez 1928-1931
13 Jose Baltazar Mariano Mejia 1931-1934
14 Valeriano Soriano Alejo Candido 1934-1937
15 Agapito Rivera Estanislao Cuevas 1937-1940
16 Arsenio Joco Estanislao Cuevas** 1941-1945
17 Emiliano Navarro Quirino Quicho 1945-1946*
18 Agustin I. Angeles Pedro Pangilinan 1946-1947*
Agustin I. Angeles Pedro Pangilinan 1947-1951
19 Manuel R. Santos Qurino Quicho 1951-1955
20 Alberto Cristobal Andres Buenaventura 1955-1959
21 Manuel R. Santos Jose Quicho 1959-1963
22 Ricardo T. Angeles Felizardo Bernabe 1963-1967
23 Gabriel L. Manrique Ernesto Pascual 1967-1971
Gabriel L. Manrique Antonio H. Mariano 1972-1976
Gabriel L. Manrique Antonio H. Mariano 1972-1976
Gabriel L. Manrique Antonio H. Mariano 1980-1986
24 Alfredo Pangilinan Quirino Quicho 1986-1987*
25 Jose Q. Lim Quirino Quicho 1987-1988*
26 Manuel C. Santos Jr. Teodoro T. Catalan 1988-1992
27 Antonio H. Mariano Erlinda Guzman 1992-1995
28 Manuel C. Santos Jr. Antonio Raymundo Jr. 1995-1998
Manuel C. Santos Jr. Eugenia Mariano 1998-2001
29 Antonio L. Raymundo Jr. Rolando Banzon 2001-2004
Antonio L. Raymundo Jr. Virgilio Isidro 2004-2007
Antonio L. Raymundo Jr. Virgilio Isidro 2007-2010
30 Jose Santos Virgilio Isidro 2010-2013
31 Antonio L. Raymundo Jr. Reynaldo S. Waje 2013-2016

Best “COPS” wanted; P400k reward

Previous article

Young girls attend anti-teen dating violence seminar

Next article

You may also like

Comments

Comments are closed.